Ni Verna Santos at Jason Estrada
HAGONOY, Bulacan — Tila walang katapusang ayuda ang hatid ng tambalang Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gobernador Alex Castro nang personal nilang puntahan noong Huwebes (Aug. 31) ang anim na barangay sa nabanggit na bayan upang mamahagi ng relief goods sa mga residenteng lubhang naapektuhan ng malawakang pagbaha dulot ng bagyong Egay at Falcon at pinalakas na habagat.
Sa pangunguna ni Gob. Fernando kasama sina Bise Gob. Castro, BM Mina Fermin, BM Allan Andan, PDRRMO Chief Ret. Col. Manny Lukban Jr., PSWDO Head Rowena Tiongson at Col. Relly Arnedo, Bulacan provincial director, sinuyod nito ang mga residente mula sa 6 na barangay at personal na iabot ang relief goods o ayuda.
Sinamahan ni Hagonoy Mayor Baby Manlapaz ang grupo ng gobernador sa pag-iikot sa mga barangay na kinabibilangan ng Barangay San Agustin, Iba-Ibayo, Iba, San Pablo, Sta. Elena, at San Roque.
Labis ang tuwa ni Mayor Manlapaz nang makita ang mga ginagalang na opisyal ng pamahalaang panlalawigan na namimigay ng tulong o ayuda sa mga kababayang naapektuhan ng kalamidad.
Wala namang mapagsidlan ng tuwa ang mga residenteng tumanggap ng ayuda mula kay Gob. Fernando at Bise Gob. Castro at lubos ang kanilang pasasalamat sa tambalan ng dalawa na personal pa silang dinayo para bigyan ng relief goods.
“Ang tunay na People’s Governor na tapat na nagsisilbi sa lalawigan ng Bulacan. Tunay na makatao at maka-Diyos. Ang gobernador ng mga Bulakenyo,” saad ng isang mother leader mula sa Brgy. San Roque.
Ani Kapitan Jayson Mendoza ng Brgy. San Agustin, sa kabila nang kanilang naranasang hirap at pagod, may ngiti pa rin silang humaharap kay Gob. Fernando dahil sa personal nitong pagdalaw sa kanila.
Usap-usapan naman ngayon na tila nag-goodbye delata at noodles na ang pamahalaang panlalawigan dahil bukod sa bigas ay mga “hygene kit” na ang laman ng mga ayuda box. (UnliNews Online)