Saturday, December 14, 2024
Amana Water Park
HomeBulacan UnliNewsSen. Marcos, panauhing pandangal sa pagbubukas ng Singkaban Festival 2023

Sen. Marcos, panauhing pandangal sa pagbubukas ng Singkaban Festival 2023

LUNGSOD NG MALOLOS — Naghahanda na ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pinakahihintay na pagbubukas ng engrandeng selebrasyon ng Singkaban Festival 2023 sa Friday (Sept. 8), sa Harap ng Gusali ng Kapitolyo, Antonio S. Bautista, Bulacan Capitol Compound kung saan dadalo si Senador Imee R. Marcos bilang panauhing pandangal.

Nakaangkla sa temang “Likas na Yaman, Kasaysayan at Kultura, Pangalagaan Ating Pamana,” sasamahan si Senador Marcos nina Gob. Daniel R. Fernando, Bise Gob. Alexis C. Castro, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, mga kawani ng Kapitolyo kasama ang libu-libong mga Bulakenyo sa pagbibigay halaga sa diwa ng pagkamalikhain ng mga tao sa pamamagitan ng iba’t ibang presentasyon ng kultura, street dancing, at mga art exhibit sa isang linggong puno ng kasiyahan.

Kabilang sa mga programa na itatampok sa grand opening ay ang Parada ng Karosa na magpapamalas sa mga ipinagmamalaki ng mga bayan at lungsod at ang paglulunsad ng “Doon Po Sa Amin”, ang pinaka unang produksyon ng Dulaang Filipino na ipalalabas sa Tanghalang Nicanor Abelardo hanggang Setyembre 10, 2023.

Dagdag pa rito, magbubukas rin sa publiko hanggang Setyembre 15 ang iba’t ibang mga kumpetisyon at mga eksibit kabilang na ang Singkaban ng Bayan: Singkaban Arc Making Competition 2023 at ang Bulacan Travelmart sa Mini Forest; Bulacan Cultural Costume Competition 2023 sa Hiyas ng Bulacan Museum/Robinsons Place Malolos; Tatak Singkaban Trade Fair sa harap ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office; at ang BELLEZA The Interplay of Aesthetic Sense Featuring the Art Works of Lumina Art Group sa Guillermo Tolentino Exhibit Hall.

Sa kanyang mensahe, binigyan diin ni Fernando ang kasaysayan ng masiglang kultura at tradisyon ng lalawigan bilang patunay sa katatagan ng mga mamamayan nito na isang simbolo ng kakayahan na makasunod sa mga pagbabago at may paninindigan.

“Ang Singkaban Festival ay isang panahon kung saan tayo ay nagsasama-sama upang parangalan ang ating mayamang pamana na ipinasa sa mga henerasyon. Ang mga makukulay na parada, masiglang pagtatanghal, at magagandang palabas ay patunay ng pagkamalikhain at kasiningan nating mga Bulakenyo. Ang pagdiriwang na ito ay isang paalala na ang ating mga tradisyon ay buhay at umuunlad, at patuloy itong nagdudulot ng kagalakan at inspirasyon sa lahat ng nakasaksi nito,” ani Fernando. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments