LUNGSOD NG MALOLOS — Pormal nang binuksan ngayong Biyernes (Sept. 8) sa pangunguna ni Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alex Castro ang isang linggong selebrasyon na punung-puno ng saya ang Singkaban Festival 2023 na ginanap sa Harap ng Gusali ng Kapitolyo, Antonio S. Bautista, Bulacan Capitol Compound.
Aoyn kay Gob. Fernando, “kapag pinag-uusapan ang proteksiyon at konserbasyon ng ating mga pamana, dapat din nating isaalang-alang ang proteksyon ng ating Inang kalikasan, ang ating tanging tahanan. Kapag ito ang naglaho, balewala ang lahat ng ating pagsisikap. Gawin nating daan ang Singkaban Festival upang isulong ang pangangalaga sa ating kapaligiran at mga likas na yaman— dahil ito ay pamanang kaloob sa atin ng Poong Maykapal.”
Bilang bahagi ng programa, pinangunahan nina Fernando kasama si Bise Gob. Castro, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan at mga pinuno ng tanggapan ang paghahawi ng tabing ng Panandang Pamana ng Kapitolyo ng Bulacan na sinaksihan ng daan-daang mga Bulakenyo.
Tinanggap rin ni Fernando ang Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko 2023 na iginawad ng Komisyon sa Wikang Filipino sa pamamagitan ni Provincial History, Arts, Culture and Tourism Officer Dr. Eliseo S. Dela Cruz.
Nagtipon rin ang mga manunuod para sa pagparada ng 22 lahok na karosa habang ipinapakita ang sining at lokal na kasaysayan ng kanilang kinakatawang lungsod/munisipalidad at iba pang mga ahensiya lulan ang kanilang mga kandidato sa Hari at Reyna 2023.
Kinatawan naman ng kanyang pinsan na si Eliza Romualdez-Valtos, dating tagapagbalita sa ANC, si Senador Imee R. Marcos na siyang panauhing pandangal, na nagbigay pugay sa mga ninunong Bulakenyo na naging instrumento upang makamtam ang kalayaan sa lalawigan.
Inihayag rin niya na ang kanilang angkan na Pamilyang Trinidad ay nagmula sa Lalawigan ng Bulacan.
“Sa mga darating na araw, tayo ay magkakasama upang masilayan ang mga magkakaibang kulay at buhay ng ating kultura. Sa mga street dancing competitions, float parades at iba pang mga aktibidad, magkakaroon tayo ng pagkakataon na ipagdiwang at magkapit-bisig bilang isang komunidad. Ang Singkaban Festival ay hindi lamang isang pagdiriwang, ito po ay isang pagkakataon na bigyang pugay ang mga bayani ng ating kasaysayan gaya ng mga nagtanggol ng kalayaan sa panahon ng Malolos Congress,” ani Valtos sa ngalan ni Marcos.
Sa kabila ng kanyang ‘di pagdalo, nagpadala naman si Marcos ng Nutribus na may dalang mga libreng Nutribun bilang handog sa mga Bulakenyong dumalo sa pagbubukas ng Singkaban Fetival 2023.
Hango sa temang “Likas na Yaman, Kasaysayan at Kultura, Pangalagaan Ating Pamana,” layon ng pagdiriwang ngayong taon na pahalagahan ang masaganang likas na yaman at ang mga hakbang upang mapreserba ang pagiging luntian nito. (UnliNews Online)