LUNGSOD NG MALOLOS — Humigit-kumulang 3,000 Bulakenyo ang inaasahang lalahok sa BIDA (Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan) BIKERS (Bawal na gamot ay Iwasan, magandang Kalusugan, Ehersisyo ay ReSponsibilidad ko) Program ng Department of the Interior and Local Government, Bulacan Police Provincial Office at Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa Linggo (Sept. 10) sa ganap na alas-5 ng umaga na magsisimula sa Bulacan Sports Complex sa Brgy. Bagong Bayan dito.
Libu-libong siklista ang papadyak sa 20 km bike run mula Bulacan Sports Complex na dadaan sa mga barangay ng Sta. Cruz at Sta. Rita sa Guiguinto, bayan ng Plaridel, Brgy. Mojon sa Malolos pabalik sa Bulacan Sports Complex.
Kaisa sa layunin ng lalawigan na maisulong at makamit ang isang drug-free na probinsya ay si Kalihim Benjamin Abalos, Jr. ng DILG na dadalo sa aktibidad bilang panauhing pandangal.
Ayon kay Gobernador Daniel R. Fernando, lahat ay maaaring lumahok sa bike run.
“Lahat po ay inaanyayahan na makisali, makipadyak at aming makatuwang upang ipalaganap ang kampanya laban sa iligal na droga. Magkaisa po tayo para makamit ang isang drug-free na lalawigan,” anang gobernador.
Gaganapin ang BIDA Bikers program kasabay ng pagdiriwang ng National Crime Prevention month. (UnliNews Online)