Friday, November 8, 2024
Amana Water Park
HomeBulacan UnliNewsAbalos, idiniin ang kahalagahan ng pagresolba sa iligal na droga

Abalos, idiniin ang kahalagahan ng pagresolba sa iligal na droga

LUNGSOD NG MALOLOS — Binigyang diin ni Kalihim Benjamin “Benhur” C. Abalos, Jr. ng Department of the Interior and Local Government ang kahalagahan ng agarang pagtukoy at pagresolba sa pangunahing isyu ng bansa hinggil sa adiksyon sa droga.

Inihayag niya ito sa ginanap na paglulunsad ng BIDA B.I.K.E.R.S. (Bawal na gamot ay Iwasan, Magandang Kalusugan, Ehersisyo ay ReSponsibilidad Ko) Team Up with Kapitolyo For Life na nagsimula at nagtapos sa Bulacan Sports Complex, Brgy. Bagong Bayan dito matapos ang pagsikad sa 20 kilometro na ruta Linggo ng umaga (Sept. 10).

Aniya, karamihan sa mga kriminal na kaso sa bansa ay nagmumula sa mga kaso na may kaugnayan sa droga.

“Sa lahat ng mga kasong dinala sa harap ng korte, 60-70% ay may kaugnayan sa droga. Ang droga ay parang puno, kahit putulin mo ang sanga, posible pa rin itong magkaruon ng bagong sanga. Tayo ay tumulong sa pulis, sa PDEA, at sa NBI. Habang hinuhuli nila ang mga sangkot, bago pa ito mapalitan ng iba, tayo ay magtuon na agad sa problema at alamin ang pinagmumulan,” ani Abalos.

Bukod sa laban sa iligal na droga, sinabi ni Gob. Daniel R. Fernando na isa rin sa pangunahing layunin ng programa ay ang promosyon sa pagkakaroon ng malusog na pamumuhay sa lalawigan at himukin ang mga Bulakenyo na bigyang prayoridad din ang kanilang kalusugan.

“Ang pagpapalaganap ng malusog na pamumuhay ay hindi lamang responsibilidad ng bawat isa, kundi isang layunin ng buong lalawigan. Sa tulong ng BIDA, hinihikayat natin ang ating mga kababayan na maging bahagi ng solusyon sa mga problemang panlipunan gaya ng bawal na gamot at iba pang panganib sa kalusugan,” ani Fernando.

May kabuuang 2,775 siklista mula sa iba’t ibang lungsod at bayan sa Bulacan ang pumadyak at binagtas ang ruta sa mga barangay ng Sta. Cruz at Sta. Rita, Guiguinto; Poblacion, Plaridel; at Mojon, Lungsod ng Malolos upang makilahok sa kampanya laban sa iligal na droga at para sa malusog na pamumuhay.

Dumalo rin sa BIDA Bikers Program sina Bise Gob. Alexis C. Castro, Panlalawigang Tagapangasiwa Antonette V. Constantino, mga Bokal Romina Fermin, Allan Andan, at Cezar Mendoza, DILG Undersecretary Abgd. Margarita Gutierrez, Undersecretary Abgd. Odilon Pasaraba, mga Kongresistang Salvador Pleyto at Danny Domingo, Punong Lungsod Christian Natividad ng Lungsod ng Malolos, Undersecretary for Plans, Public Affairs and Communication Margarita Gutierrez, Police Regional Office 3 Director BGen. Jose Hidalgo, Jr., Bulacan Police Provincial Office Director Col. Relly Arnedo, Bulacan BFP Provincial Fire Marshal Supt. Janeth Jusayan, at mga pinuno ng tanggapan at kawani ng Pamahalaang Panlalawigan.

Maliban sa pagiging bahagi ng Singkaban Festival 2023, inilunsad ang BIDA Bikers Program bilang suporta sa Republic Act 6975 o DILG Act of 1990 na layuning gawing operasyonal at masimulan ang panawagan para sa makabuluhang reporma sa mga pampublikong serbisyong pangkaligtasan ng bansa, lalo na para sa mga unipormadong ahensiya sa ilalim ng DILG. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments