LUNGSOD NG MALOLOS — Wagi ang dokumentaryong “DuHaWis- Gerilya: Dugong Bayani” bilang Best Documentary at Best Editing at nag-uwi ng mga tropeo at P120,000 sa ginanap na Ikalimang SINEliksik Bulacan Docufest Gabi ng Parangal sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa nabanggit na lungsod.
Tampok sa nagwaging dokumentaryo ng CHACTC Productions at MRG Films, sa direksyon at panulat ni Ronaldo N. Dionisio, ang kabayanihan ng mga Meycaueño lalo na ang mga lider ng Gerilya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
“Pasasalamat sa ating lalawigan sapagkat mayroong ganitong patimpalak na umani na ng pagkilala sa buong Pilipinas. Tayo lamang ang probinsya na may ganitong pagpapahalaga sa sining, kultura, at kasaysayan ng ating dakilang lalawigan ng Bulacan,” anang direktor sa kanyang talumpating pagtanggap.
Gayundin, kinilala ni Department of National Defense Secretary Atty. Gilberto C. Teodoro, Jr. na kinatawan ni Assistant Secretary for Strategic Assessment and International Affairs Pablo M. Lorenzo ang mga tao na nagpasimula, nag-organisa, sumali, at nakiisa sa patimpalak na nagpakita ng totoong kwento noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
“Nawa ay maging simula ito ng ating pagtutulungan na panatilihing buhay sa gunita ng lipunan ang kabayanihan ng ating mga beterano,” ani Lorenzo.
Samantala, sinabi ni Bise Gob. Alexis Castro na ang kasaysayan ang kaluluwa ng pagka-Pilipino at hindi dapat ito malimutan.
“Nais natin na maimulat ang ating bagong henerasyon na ang ating matamis na ginhawa at kalayaan ay nagmula sa marahas na nakaraan,” ani Castro.
Kabilang sa iba pang nagwagi sa Senior Category ang “Padoc” na nagkamit ng Special Jury Prize, Best Cinematography at Best Trailer at nag-uwi ng P75,000; “Sa Dagat at Bundok” na nanalo ng Best Research at Best Poster at binigyan ng P35,000; “Sa Dulo ng Bayoneta” na nakakuha ng Best Documentary Script award at tumanggap ng P20,000; “Gunita ng Dapit Hapon” ang nakasungkit ng Honorable Mention at P20,000; “Panaghoy: Mga Piping Sigaw sa Bahay na Pula” na nakakuha ng Special Citation for Gender Sensitivity and Visual Documentary Project at P10,000; at “Ang Mamatay ng Dahil sa Iyo” na napili sa Audience Choice Award at tumanggap ng P5,000.
Sa kabilang banda, kabilang sa mga tumanggap ng pagkilala sa Junior Category ang “Bahawin: Lunas sa Gitna ng Giyera” na nag-uwi ng Unang Gantimpala at P50,000; “Dapit-Hapon: Pisara” na tumanggap ng Ikalawang Gantimpala, Best Trailer, at Audience Choice Award na may P40,000 sa kabuuan; “Impiong” na nakakuha ng Ikatlong Gantimpala at P20,000; at “Doyen” na nagwagi ng Best Poster at P5,000. (UnliNews Online)