LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Pinangunahan nina Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benjur” Abalos Jr., Governor Daniel Fernando at City Mayor Atty. Christian D. Natividad ang pormal na paglulunsad ng BIDA B.I.K.E.R.S. (Bawal na gamot ay Iwasan, Magandang Kalusugan, Ehersisyo ay ReSponsibilidad Ko) katuwang ang Kapitolyo For Life sa Bulacan Sports Complex sa nabanggit na lungsod kamakailan.
Umabot sa tatlong libong siklista ang lumahok sa progama ng DILG laban sa iligal na droga kung saan sabay-sabay na pumadyak sa mga bisikleta sa 21 kilometrong ruta ng Manila North Road, Daang Maharlika at Malolos-Plaridel Road mula sa lungsod ng Malolos na umabot sa Guiguinto at Plaridel.
Ayon sa mensahe ni Sec. Abalos bago simulan ang programa isa ang regular na pagbibisikleta sa mga siyantipikong batayan para maging malusog ang pangangatawan at pag-iisip ng isang tao.
“Sa pamamagitan ng ganitong pamamaraan ay hindi na papasok pa sa isip ng kabataan ang paggamit ng iligal na droga,” ani Abalos.
Dagdag pa nito na hindi natatapos sa pagbibisikleta lamang ang kampanyang BIDA dahil panimula pa lamang ito upang maitakda ang mga mandato ng bawat ahensiya ng pamahalaan, mga nasa pribadong sektor at maging ang simbahan.
Sa ulat ni Gobernador Daniel R. Fernando kay DILG Secretary Abalos, nakapagtala ang Bulacan na 61% ng 569 na mga barangay sa lalawigan ay deklarado nang ‘Drug-Free’. Katumbas ito ng nasa 347 na mga barangay.
Bagama’t naideklarang mga ‘Drug-Free’ ang nasabing porsiyento ng mga barangay, sinabi ng gobernador na mas dapat na bantayan ang mga barangay na ito upang hindi makabalik ang iligal na droga.
Samantala, sinabi naman ni Malolos City Christian Natividad na ang paglulunsad ng BIDA Program sa Bulacan at mabubukas ng panibagong pag-asa para sa isang malinis na kinabukasan.
“Magbubunsod ito ng lalo pang pagkakaisa ang mga ahensiya ng pamahalaan at lahat ng sektor sa paglaban sa paggamit ng iligal na droga, ani ng alkalde ng lungsod ng Malolos. (UnliNews Online)