LUNGSOD NG MALOLOS — Pinangunahan ni Senate President Pro Tempore Senador Loren Legarda kasama sina Vice Governor Alex Castro at City Mayor Atty. Christian Natividad ang ika 125 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Malolos Congress na ginanap sa bakuran ng makasaysayang Simbahan ng Barasoain sa lungsod na ito noong Biyernes (Sept. 15).
May temang “Kongreso ng Malolos: Saligan sa Pagsulong ng Nababagong Panahon” ay sinimulan sa taunang tradisyon ng pagtataas ng bandila ng Pilipinas na sinundan ng wreath laying ceremony sa munumento ni Heneral Emilio Aguinaldo, ang kauna-unahang pangulo ng bansa na pinangunahan ni Legarda. bilang panauhing pandangal na sinaksihan nina Bise Gobernador Alexis C. Castro; Mayor Christian Natividad ng Lungsod ng Malolos, Dr. Emmanuel F. Calairo, Tagapangulo ng National Historical Commission of the Philippines; PCol. Relly B. Arnedo, Provincial Director ng Bulacan Provincial Police Office; at daan-daang mga dumalong Bulakenyo.
Sa ngalan ni Gobernador Daniel R. Fernando, nanawagan si Castro sa mga Bulakenyo na maging bahagi ng progresibong pagbabago para sa mas magandang kinabukasan.
“Ang atin pong panawagan ay maging bahagi tayo ng pagkilos at mga pagbabago na may pagtutulungan para sa mas magandang kinabukasan ng Pilipinas. Nawa ang aral ng Kongreso ng Malolos, ng pagkakaisa, ay maisabuhay natin ngayon tungo sa makatarungan, mapayapa at mas maunlad na hinaharap,” ani Castro.
Inihayag din ni Legarda ang pagsasabatas ng Cultural Mapping Bill kamakailan, na pinaniniwalaan niyang magiging mahalaga sa lalawigan. Hinikayat din niya ang iba pang mga lingkod bayan na isulong ang kultura sa pamamagitan ng pagpapaigting ng mga programa na nakatuon sa kasaysayan.
“Napakahalaga, lalo na sa napaka-historic na probinsiya ng Bulacan. Sana po ang buong probinsiya ay magkaroon ng cultural mapping. Lalo nating mamahalin ang ating bayan, lalo nating bibigyan ng halaga ang ating kasaysayan, ang ating pagkatao. I think we will be even prouder as Filipinos if we know really where we came from through cultural mapping,” ani Legarda.
Ibinahagi rin ng senadora na ang kanyang kalolololohan na si Ariston Gella ay ang unang parmasyutiko na napili na katawanin ang Lalawigan ng Antique bilang isa sa mga delegado ng Kongreso ng Malolos na nagbalangkas ng kauna-unahang konstitusyon sa Asya, ang Konstitusyon ng Malolos.
Para naman kay Malolos City Mayor Christian Natividad, ang dedikasyon ng mga namumuno sa sinumpaang tungkulin ang maghuhubog upang tunay mapakinggan ang boses ng mga mamamayan na nagbigay sa kanila ng kapangyarihang makapamahala.
“Ang Konstitusyon na pinagtibay ng Kongreso ng Malolos ang pinakamahalagang dokumento ng pagiging Republika ng Pilipinas
Dumalo rin sa nasabing aktibidad sina Congressmen Danny Domingo ng Bulacan 1st District, ilang chief executives ng local government unit, Sangguniang Panlalawigan at Sangguniang Panlungsod members, mga beterano, at ilang empleyado ng lokal na pamahalaan.
Ang paggunita sa ika-125 Anibersaryo ng Kongreso ng Malolos ay ang pinakahuling aktibidad ng isang linggong pagdiriwang ng Singkaban 2023 at inorganisa ng National Historical Commission ng Pilipinas at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial History, Arts, Culture, and Tourism Office. (UnliNews Online)