LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Hinikayat ni Department of Trade and Industry (DTI)-Region III Officer-in-Charge Assistant Regional Director at siya ring DTI-Bulacan Provincial Director Edna Dizon, ang mga Bulakenyong micro, small and medium enterprises (MSMEs) na lahukan ang mga marketing and trade promotions ng ahensiya.
Ito’y upang makatulong na makapasok ang mga produktong Tatak Bulakenyo sa mas malaking merkado sa Regional Comprehensive Economic Partnership o RCEP.
Sa pagbubukas ng Tatak Singkaban Trade Fair bilang pagdiriwang ng Singkaban Festival na matatagpuan sa bakuran ng Kapitolyo sa lungsod ng Malolos, Bulacan, sinabi ni Dizon na kailangang maging ganap ang pagkakaroon ng mataas na kalidad ng mga produkto para sa mga non-food products. Kung produktong pagkain naman, shelf life at ang pagkakapasa sa pamantayan ng Food and Drug Administration o FDA Certification ang tututukan ng DTI.
Tampok sa nasabing trade fair ang mga Tatak Bulakenyo products na uubrang maipasok sa merkado ng RCEP. Kabilang diyan ang mga Leather products ng Meycauayan, mga Leather shoes and footwear na gawa sa Guiguinto, Men’s and Women’s garments ng Malolos at mga Dired and Salted Fish ng Hagonoy.
Gayundin ang mga gawa sa Bulacan na processed Fruit juices, Chocolate, Fish Fillet, printed paper at mga bisikleta na ginagawa sa isang pabrika sa Santa Maria.
Ayon naman kay Jayric Amil, nanunuparang pinuno ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO), kasalukuyang nirerepaso ang commercial orders ng mga mamumuhunan mula sa Japan para sa Mango Puree. Makikinabang dito ang mga magsasaka ng Mangga partikular na sa bayan ng San Miguel.
Kaugnay nito, tutulong din ang DTI upang makakuha ang mas maraming MSMEs ng Intellectual Property na magbibigay ng proteksiyon sa pagkakakilanlan ng isang produkto o serbisyo ng isang partikular na MSMEs.
Gayundin ang pagpapaigting ng kasanayan sa mga MSMEs sa Bulacan upang mas maraming produktong Tatak Bulakenyo ang mai-on board sa mga E-Commerce Platforms. Kasama ito sa mga sangkap upang maging kwalipikado ang mga MSMEs na makapasok sa RCEP para makatamo ng mas mababang taripa o buwis sa pagluluwas ng produkto sa ibang bansa. Naaayon ang mga probisyon ng RCEP sa Philippine Export Development Plan 2023-2028 na ipinaiiral ng administrasyong Marcos.
Taong 2020 nang lumagda ang Pilipinas sa RCEP na binubuo ng mga bansang kasapi ng Association of South East Asian Nations (ASEAN), mga dialogue partners na China, South Korea, Japan, Australia at New Zealand. Niratipika naman ng Senado ang RCEP noong 2022 na hudyat ng pormal na pagpasok ng bansa sa ngayo’y pinakamalaking free trade zone sa mundo.
Samantala, nagkaloob naman ng tig-P5 libong halaga ng purchases si Gobernador Daniel R. Fernando sa may 58 exhibitors ng Tatak Bulakenyo products sa ginaganap na Tatak Singkaban Trade Fair na tatagal hanggang Setyembre 15, 2023. (UnliNews Online)
Source: PIA Bulacan