MANILA — Pinarangalan ang Lungsod ng Meycauayan bilang The Manila Times’ (TMT) Model Cities and Municipalities – Education Hub sa ika-apat na TMT Cities & Towns Awards sa seremonyang ginanap nitong Lunes (Sept. 18) sa Diamond Hotel Philippines.
Umabot sa 18 Local Government Units (LGUs) sa buong bansa ang kinilala para sa mga programang ipinatupad mula Hunyo 2022 hanggang Hunyo 2023.
Tinanggap ni City Administrator Pia Ramirez-Delos Santos ang karangalan ng TMT para sa programa ng Meycauayan na MEYCAUAYAN CONNECT sa pakikipag-ugnayan sa DepEd Meycauayan.
Nanguna ang Meycauayan, hindi lamang sa Bulacan, kundi sa Central Luzon sa Digital Education dahil naging ganap ang online migration sa pampublikong edukasyon nang maging interconnected ang lahat ng 30 na paaralan nitong nakasentro sa DepEd Schools Division sa Malhacan noong 2020.
Naipatupad ito ng dating Mayor Linabelle Villarica at patuloy na pinapalakas hanggang sa kasalukuyan ni Mayor Henry Villarica.
Saad ni Delos Santos, saktong huwaran ang programa ng Meycauayan sa layunin ng TMT Awards na “future-proofing the quality of township living.” (UnliNews Online)