SAN RAFAEL, Bulacan — Sa patuloy na pagsisikap ng pambansang pamahalaan na tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan, partikular na sa aspektong pangkalusugan, sa pangunguna ni First Lady, Abgdo. Maria Louise “Liza” Araneta Marcos ay matagumpay na isinagawa noong Martes (Sept. 19), ang Lab For All: Laboratoryo, Konsulta at Gamot para sa lahat, sa nasabing bayan.
Ang aktibidad na ito ay dinaluhan nina Vice Governor Alex C. Castro, Pampanga Vice Gov. Lilia G. Pineda, San Rafael Mayor Mark Cholo Violago, TESDA Secretary Suharto Mangudadatu, CHED President Prospero E. De Vera III, Congresswoman Lorna Silverio, kasama ang iba pang mga opisyal at lingkod bayan ng lalawigan.
Lumahok at nagpakita ng suporta sa naturang aktibidad ay ang DILG, sa pangunguna ni Sec. Benhur Abalos, Jr., kasama sina USEC Atty. Margarita Gutierrez at Atty. Odilon Pasaraba kung saan ay namigay ng libreng dental hygiene kits at vitamins para sa mga mag-aaral ng Mababang Paaralan ng Sampaloc.
Kabilang rin sa mga serbisyo na naibigay sa naturang aktibidad ay mga libreng konsultasyon sa mata at salamin, tulong pinansyal at pagkain, pati na rin libreng gamot at mga laboratory tests katulad ng libreng electrocardiography (ecg) at x-ray.
Sa kabuuan ay nasa humigit kumulang 1,500 na Bulakenyo ang nagsilbing benepisyaryo at nakatanggap ng mga libreng serbisyo.
Ang “Lab for All” ay isang programa at inisyatibo ng pamahalaan sa pangunguna ni First Lady Liza Marcos na naglalayong mailapit at maibigay ang mga pangunahing serbisyong pangkalusugan na higit na makakatulong upang maibsan ang pasanin sa gastusing pangkalusugan ng mga mamamayang Pilipino. Ito ay isa ring makabuluhang hakbangin tungo sa mas maayos at pantay-pantay na benepisyong pangkalusugan sa ating bansa. (UnliNews Online)