LUNGSOD NG MALOLOS — Kinapon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Veterinary Office (PVO) ang may kabuuang 231 pusa at aso sa ginanap na Veterinary Medical Mission sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito kamakailan.
Ayon sa Pinuno ng PVO na si Dr. Voltaire G. Basinang, layunin ng programa na imulat ang mata ng mga Bulakenyong pet lover sa pagiging responsableng tagapag-alaga ng hayop.
“Dito natuturuan natin silang maging responsableng tagapag-alaga ng aso at pusa. Dahil doon maiiwasan natin ang rabies, maiiwasan din natin ang pagdami ng mga aso at pusang gala,” anang panlalawigang beterinaryo.
Sinabi rin ni Basinang na mayroong libreng kapon sa kanilang tanggapan na matatagpuan sa loob ng bakuran ng Kapitolyo tuwing Lunes.
Samantala, pinasalamatan ni Daisy Delos Santos mula sa San Pablo, Lungsod ng Malolos, na may dalawang inampong pusa at nagdala ng pusa ng kanyang kapit-bahay sa programa, ang Pamahalaang Panlalawigan para sa mga aktibidad para matulungan ang mga may-ari ng alagang hayop sa lalawigan.
“Sa aming mga pet lover, napakalaking tulong nito dahil libre ito kaya pasalamat kami na may mga ganitong programa. At least hindi na kami mag-aalala kaka-isip na gumagala-gala ang mga pusa namin,” aniya.
Ang Veterinary Medical Mission ay sa pakikipagtulungan ng tanggapan ng paghahayupan ng mga pamahalaang lokal ng Lungsod ng Baliwag, Paombong, at Pulilan; Vets Love Nature; Philippine Veterinary Medical Association; at ang Univet Nutrition and Animal Healthcare Company (UNAHCO). (UnliNews Online)