GUIGUINTO, Bulacan — Tinatayang aabot sa halagang P444,000 ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nasamsam sa magkalaguyong hinihinalang tulak ng iligal na droga sa isang buy-bust operation sa Brgy. Poblacion sa nasabing bayan noong Sabado ng gabi (Sept. 23).
Base sa ulat na nakarating kay Col. Relly Arnedo, Bulacan PNP provincial director, kinilala ang mga suspek na sina Jeremiah Santos alias Muya at Erika Joy Adviento na kapwa taga-Poblacion, Guiguinto.
Sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-11:30 ng gabi nasakote ang mga suspek matapos ang pakikipagtransaksyon sa mga undercover na pulis. Nakumpiska sa mga ito ang limang brick ng tuyong dahon na hinihinalang marijuana na may tinatayang Standard Drug Price (SDP) P444,000.00, isang weighing scale, at buy-bust money.
Ayon kay Arnedo, ang Bulacan PNP ay nakatuon sa pagpapanatiling ligtas sa mga kriminal na aktibidad ang isang komunidad.
“Ang kakayahang pigilan ang mga indibidwal na nag-uudyok ng takot at gumagamit ng karahasan sa komunidad ay nagpapakita kung gaano tayo katatag sa pakikipaglaban sa kawalan ng batas at karahasan para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Election 2023,” dagda pa ni Arnedo. (UnliNews Online)