LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Pormal nang sinimulan ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos ang pagdiriwang ng kauna-unahang Literacy Festival na RepubLITka noong Monday (Sept. 25).
Nag-umpisa sa isang Literacy walk ang nasabing pagdiriwang na nagmula sa Xentro Mall Terminal Hub patungong Liwasang Republika na dinaluhan ng mga kawani ng Departamento ng Edukasyon at mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos.
Sa pagbubukas ng naturang pagdiriwang, ipinaliwanag ni Salvador B. Lozano, Education Program Supervisor ang rasyonale ng selebrasyon.
Ayon sa kaniya, hangarin ng pagdaraos ang pagbibigay ng mga kaalaman sa mga mamamayan ng Lungsod ng Malolos pagdating sa mga gawain na hindi lang nakatuon sa pagbabasa, pagsusulat, at pagbibilang kung hindi maging sa mga gawaing makatutulong sa pagkabuhayan ng mga mamamayan ng Malolos. Ganoon din ang pagpapahusay ng epektibong kolaborasyon sa pagitan ng bawat isang Malolenyo, dahil hindi nasusukat sa edad, kasarian, at estado sa buhay ang pagkatuto.
Naghatid naman ng kaniyang talumpating pagtanggap si Fernando Durupa, Chief of Staff kung saan inihayag niya na ang ating lungsod ay pinagpala na magkaroon ng mga lingkod bayan na may pagpapahalaga sa kaalaman at mamamayan nito.
“Dahil napakahalaga umano para sa mga tao ang karampatang kaalaman sa mga bagay na hindi lang tumatalakay sa akademiya kung hindi maging sa teknolohiya at pangkabuhayan,” dagdag pa ni Durupa.
Ang RepubLITka ay isang Literacy festival na ipinagdiriwang sa loob nang isang buong linggo simula ika-25 hanggang ika-29 ng Setyembre 2023. Ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa pakikipagtulungan sa Bulacan State University at Departamento ng Edukasyon ay naghanda ng iba’t ibang mga programa para sa mga mamamayan ng Malolos. Ibibida rin ang pagpapayaman at paglilinang ng bawat isang Malolenyo sa larang ng pangkabuhayan at teknolohiya.
Dumalo naman sa naturang pagdiriwang at pagbubukas sina Mayor Christian D. Natividad, Vice Mayor Miguel Alberto Tengco Bautista, Dr. Leilani Cunanan, Schools Division Superintendent, mga Konsehal, mga kawani ng Departamento ng Edukasyon, at mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos. (UnliNews Online)