LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Pormal nang sinimulan sa nabanggit na lungsod ang kampanya para sa plebisito na gawing Highly Urbanized City (HUC) ang lungsod ng San Jose Del Monte.
Magkasama itong pinangunahan nina San Jose Del Monte City Mayor Arthur Robes at Malolos City Mayor Christian Natividad kasabay ng lingguhang pagtataas ng watawat ng Pilipinas sa bagong city hall ng lungsod.
Kapag nanalo ang ‘Yes’ sa plebisito, ito ang magbibigay ng katuparan na maging Highly Urbanized City ang San Jose Del Monte sang-ayon sa Proclamation 1057 ni noo’y Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa isang banda, tiniyak naman ni Mayor Robes na kahit mahihiwalay na ang San Jose Del Monte sa Bulacan sa aspetong pulitikal, mananatili aniyang mga Bulakenyo ang mga tagarito at bahagi pa rin ito ng heograpiya ng Bulacan.
Isinulong aniya ito upang ganap na mapaglingkuran ang lumalaking populasyon ng lungsod at para maipalalim ito direkta sa tanggapan ng pangulo ng Pilipinas.
Nangako si Mayor Robes na patuloy na makakatuwang ng Bulacan ang San Jose Del Monte sa iba’t ibang proyekto na makakatulong sa pag-unlad ng 20 bayan at tatlo pang lungsod sa Bulacan.
Base sa inilabas na Resolution 10949 ng Commission on Elections (COMELEC), magaganap ang plebisito sa Oktubre 30, 2023 kasabay ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections.
Kalahok dito ang lahat ng Bulakenyo sa buong Bulacan na rehistradong botante.
Source: PIA Bulacan