LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Mahigit 1,000 kandidato para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa nabanggit na lungsod ang lumahok sa unity walk at peace covenant signing na ginanap kamakailan.
Nagsimula ang Unity Walk sa harap ng Casa Real Shrine sa Paseo del Congreso Street, Barangay Liang, at nagtapos naman sa makasaysayang Simbahan ng Barasoain.
Layunin ng naturang programa na magkaisa ang mga kandidato sa nalalapit na 2023 BSKE na maisakatuparan na isang ligtas, mapayapa at higit sa lahat malinis na halalan pambarangay.

Pinangunahan ni Col. Relly B. Arnedo, Bulacan police director ang Unity Walk at Peace Covenant kasama ang Victory Church, Salaam Advocacy Group, Immaculate Concepcion Parish Cathedral, CADHAM, DILG-Malolos City, DEPED-Malolos , ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting, ang Commission on Elections, at ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos.
Dumalo rin sa naturang kaganapan sina Lt. Col. Andrei Anthony Manglo, hepe ng Malolos City police; Imam Omar Sultan; Pastor Clark Bacasno; Pastor Eric Fernandez; Bro. Gardie Castro; Digna Enriquez, at Attorney Julio Nicanor C. Guinto ng COMELEC Malolos City. (UnliNews Online)