Saturday, December 14, 2024
Amana Water Park
HomeBulacan UnliNewsBulacan, kinilala bilang ika-8 ‘Most Competitive Province 2023’

Bulacan, kinilala bilang ika-8 ‘Most Competitive Province 2023’

LUNGSOD NG MALOLOS — Kinilala ang lalawigan ng Bulacan bilang ikawalong puwesto sa Most Competitive Province sa 2023 Philippine Competitiveness Ranking na iginawad ng Department of Trade and Industry (DTI) sa isinagawang 10th Cities and Municipalities Competitive Summit sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City kamakailan.

Sa 1,634 na kalahok na mga pamahalaang lokal, may kabuuang 103 na mga lungsod, munisipalidad at lalawigan ang ginawaran ng top rankings para sa iba’t ibang kategorya kung saan ang Bulacan ang tanging lalawigan sa Gitnang Luzon na nakakuha ng puwesto sa Top 10 Most Competitive Province.

Sa kanyang mensahe, nangako si Gob. Daniel R. Fernando na lalo pang magsusumikap para sa kahusayan ng lalawigan.

“Habang patuloy na umuunlad at yumayabong ang Bulacan, handa itong tumanggap pa ng mga mamumuhunan, lumikha ng mga trabaho, at magbigay ng mas mataas na kalidad na pamumuhay sa mga residente nito. Sa malinaw nitong bisyon para sa hinaharap at matibay na mga komunidad, ang Bulacan ay nakatakdang umangat pa sa darating na panahon, patunay na isa ito sa most competitive at progresibong lalawigan sa Pilipinas,” ani Fernando.

Bukod pa rito, humakot din ng mga parangal ang Lungsod ng Baliwag kabilang na ang ikatlong puwesto para sa Overall Most Competitive na 1st to 2nd Class Municiplaities, Top 5 sa Infrastructure, Top 6 sa Innovation at Top 8 sa Resiliency habang nakamit ng Munisipalidad ng Santa Maria ang Top 4 sa Infrastructure at Top 6 sa Economic Dynamism; Munisipalidad ng Marilao bilang Top 6 sa Economic Dynamism, Munisipalidad ng Angat sa Top 7 ng Most Improved 1st to 2nd Class Municipality; at Lungsod ng Meycauayan bilang Top 3 sa Special Award, Top Intellectual Property Filer.

Samantala, binigyang-diin naman ni Kalihim Alfredo E. Pascual ng DTI ang mga gampanin ng bawat lokal na pamahalaan sa pangkalahatang pag-unlad at katatagan ng bansa.

“Our cities and communities are the bedrock of our society. It is where on which bedrock, we build the Philippines. They’re the living, breathing embodiments of our competitive spirit, culture and aspirations. Ensuring their flourishing progress in a world in flux is not just a goal; it is a shared duty that binds us all,” pahayag ni Kalihim Pascual.

Ang Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI) ay isang taunang pagraranggo sa mga lungsod at munisipalidad sa Pilipinas na binuo ng National Competitiveness Council sa pamamagitan ng Regional Competitiveness Committees (RCCs) upang higit pang palakasin ang local competitiveness batay sa Economic Dynamism, Government Efficiency, Infrastructure, Resiliency, at Innovation. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments