MAGANDA araw o gabi sa inyong lahat. Bago ako magsimula ay nagpapasalamat ako sa ating kaibigan, ang tagapaglathala nitong global online newspaper na ito ang Unlinews Online, na si Manny Dineros Balbin. Maraming salamat pre sa oportunidad na mapabilang ako sa iyong mga manunulat.
Ang aking paksa ngayon ay ibabase ko muna sa pamagat ng aking kolum na VitaminSea. Alam ninyo, mababaw lang naman ang aking kaligayahan sa aspeto ng paglilibang. Wika nga, hindi naman ako maluho. Kaya nga kapag binisita ang aking Facebook page ay makikita roon ang aking mga post tungkol sa paliligo sa dagat kasama ang aking mga kapamilya at family friends.
Mahigit isang dekada na ang nakalilipas, hindi naman kami nagdadagat pa ng panahong iyon. Hindi pa kasi masyadong nagbu-boom ang mga beach resort ng mga dekadang iyon kaya sa mga inland resort na may swimming pool lang kami pumupunta para maligo tulad ng Big Rock Resort sa Barangay Coral na Bato, San Rafael, Bulacan, DJ Paradise DJ Resort, sa McArthur Highway, Dakila, Malolos City, Jed’s Island Resort at marami pang iba.
Masaya na kami noon kapag nakapaligo kami ng buong araw sa mga resort na aking binanggit. Noong 2001, editor pa ako noon ng daily tabloid na Text Tonight, sa Port Area Manila, inimbita niya ang buong staff ng Text Tonight, ng aming provincial reporter sa Olongapo City, Zambales, si Ruben Viloria. Isinama ko ang aking maybahay, at ang utol ni misis kasama ang kaniyang pamilya. Sa lumang XLT ng aking hipag kami sumakay papuntang Olongapo City.
Hindi pa uso noon ang smartphone kaya analog phone pa ang gamit namin. Nokia 32 pa ang gamit kong phone noon sa pagkontak sa aking mga kasama sa Text Tonight habang sila ay bumibiyahe mula sa Maynila, papuntang Olongapo City. Pasado 7:00 pm ng tawagan ako ni Ruben Viloria, at inalam ang aming lokasyon. Subic Bay Free Port daw kami magkita-kita at naroon siya.
Sa tapat ng Royal Duty Free Shop kami hinintay ni Ruben at halos magkakasabay kaming dumating sa lugar na iyon ng mga kasamahan ko na taga Manila. Sinabi ni Ruben na sa Binictican Heights daw kami tutuloy at nang marating namin ang lugar ay dating bankhouses pala ng mga sundalong Amerikano ang aming tutuluyan. Maganda naman at centralized ang aircon.
Doon kami nagpalipas ng gabi at kinabukasan ay doon kami tumuloy sa Camayan Beach Resort sa loob ng SBMA. Iyon ang unang paliligo ng aking mga kapamilya sa beach resort at mula noon, ginalugad na namin ang mga beach resort ng Zambales, Bataan, mga resort sa Pangasinan at Ilocos region.
Narating din namin ang mga resort sa Batangas, Quezon hanggang sa Albay at Camarines Norte sa Kabikulan at sa bandang huli ay ang Boracay, Puerto Princesa sa Palawan at nitong huli ay sa Camiguin Island sa Mindanao. (UnliNews Online)