Tuesday, December 17, 2024
Amana Water Park
HomeNational NewsMay mga mali o problema sa birth certificate, pinayuhan ng PSA

May mga mali o problema sa birth certificate, pinayuhan ng PSA

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Pinayuhan ng Philippine Statistics Authority o PSA ang mga karaniwang mamamayan na may problema sa mga maling detalye ng kani-kanilang mga birth certificate, na ayusin sa pamamagitan ng mga mas pinadaling sistema.

Sa pagsasara ng 33rd National Civil Registration Month, sinabi ni Christian Hilario, registration officer I ng PSA-Bulacan, sinabi niya na mainam na maasikaso nang mas maaga kung anuman ang depekto sa isang partikular na birth certificate.

Ipinaliwanag niya na huwag nang hintayin na dumating ang pagkakataon na kung kailan mahigpit ang pangangailangan gaya ng pagkuha ng passport, aplikasyon sa trabaho, pagpasok sa eskwela, pagpapakasal at anuman na may rekisito na pagsumite ng birth certificate.

Una rito ang itinatadhana ng Republic Act 9048 kung saan hindi na kailangang dumaan pa sa hukuman o sa korte ang proseso sa pagpapalit ng letra sa pangalan o pagpapalit sa mismong pangalan. Kailangan lamang magpakita ng dalawang identification card o I.D. sa local civil registrar upang maitama ito.

Maaari ring maiayos ang mga clerical at typographical errors sa birth certificate kung ang isang Pilipinong indibidwal ay nasa ibang bansa. Binibigyan na din ng kapangyarihan ang mga consul generals sa mga emhabahada ng Pilipinas na magtuwid nito.

Hindi na rin dadaan sa hukuman ang mga may problema sa birth certificate sa asepto ng pagkakamali ng detalye sa gender o kasarian sang-ayon sa Republic Act 10172.

Gayundin ang pagsasaayos sa detalye ng petsa ng kapanganakan partikular na ang tungkol sa buwan at araw ay uubra nang ituwid ng mga local civil registrars at mga consul generals.

Ang kailangan lamang ay magdala at magsumite ng mga anumang mga dokumento o I.D. na magpapatunay ng mga pagkakamali na dapat maituwid sa birth certificate.

Dahil dito, ang dating inaabot ng mga taon ang proseso sa pag-aayos ng nasabing mga detalye sa birth certificate ay napaigsi sa tatlo hanggang anim na buwan na lamang.

Kung ang problema naman sa petsa ng kapanganakan ay ang detalye sa taon, dito mangangailangan ng pagharap sa hukuman upang maresolba.

Tungkol sa usapin ng birth certificate ng mga anak na nasa iba’t ibang hindi karaniwang sitwasyon, sinabi ni Hilario na patuloy na umiiral ang Republic Act 9255 upang maproteksiyunan ang birth certificate ng mga ito.

Kung hindi pa kasal ang mga magulang ng isang bata, ang apelido ng ina ang dapat na mailagay sa birth certificate nito. Pagsapit ng 18 taong gulang ng nasabing bata, may karapatan na itong pumili kung apelido ng ina o ama niya ang gagamitin.

Kapag ang isang ama naman ay ayaw kilalanin ang anak, otomatikong apelido ng ina  ang gagamitin. Kung dumating naman ang pagkakataon na pumapayag na ang ama na ipagamit ang kanyang apelido, dadaan sa affidavit upang magamit ang apelido.

Sa puntong nais ng ama ng bata na ipagamit ang kanyang apelido sa pangalan ng anak ngunit ayaw ng ina, maghihintay ang bata na tumungtong sa edad na 18 upang siya na ang madesisyon.

Sinumang may ganitong uri ng problema sa birth certificate ay kailangang tumungo muna sa local civil registry na nasa kani-kanilang mga munisipyo at city hall.

Kapag naaprubahan ang mga pagbabago o pagtutuwid sa nasabing dokumento, dito maglalabas ng verified copy ang PSA upang maging pangmatagalang kopya ng isang partikular na indibidwal.

Kaugnay nito, ngayong umiiral na ang Republic Act 11909, hindi na dapat hingan pa ng bago o orihinal na kopya ng mga birth, death o marriage certificates ang sinumang mga mamamayan ng Pilipinas para sa kani-kanilang mga transaksiyon.

Ayon naman kay Juliet Gapate, civil registration officer II ng PSA-Bulacan, ipinagbabawal ng nasabing batas sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at lalo na sa pribadong sektor, na ubligahin ang mga mamamayan na kumuha nang paulit-ulit sa PSA ng ‘orihinal’ na birth, death o marriage certificates bilang rekisito sa partikular na mga transaksiyon.

Nagkakaroon aniya ng maling interpretasyon ang ilang institusyon sa kahulugan ng pagiging ‘orihinal’ ng isang birth, death o marriage certificate sa nakalipas na mga panahon.

Kaya’t naging paulit-ulit ang pagkuha ng isang indibidiwal sa PSA ng sinasabing orihinal na kopya.

Ipinaliwanag niya, mayroon na agad na apat na orihinal na kopya ang isang tao mula nang ito’y ipanganak kung saan may tig-iisang kopya ang local civil registrar ng munisipyo o city hall, ang ospital kung saan ipinanganak, ang sangay ng PSA kung saang lalawigan ipinanganak at isang personal na kopya.

Nilinaw din ni Gapate na hindi na nagsasagawa ng authentication ang PSA. Sa nakalipas na mga panahon, ang isang indibidwal noon ay nagdadala ng photocopy ng kanyang birth certificate sa ahensiya upang ipa-authenticate.

Ang sistema na ngayon, hindi na ginagamit ng PSA ang terminolohiyang ‘authentication’ kundi tinatawag na itong verification.

Ibig sabihin, ang sinumang indibidwal na mangangailangan ng kopya ng birth, death o marriage certificate ay bibigyan o magre-reproduce ang PSA ng kopyang nakalimbag sa security paper na kinokonsidera na orihinal na kopya.

Kapag kailangang isumite sa isang institusyon ng pamahalaan o pribado ang nasabing certificate bilang rekisito sa transaksiyon, hindi na dapat hingin ang kopyang nai-reproduce na ng PSA kundi photocopy na lamang. Ito’y upang hindi na paulit-ulit na kumuha sa ahensiya at gumastos pa ang isang indibidwal.

Sang-ayon sa umiiral na Republic Act 11909, ang sinumang magpupumilit na hingan ng orihinal na kopya ng mga certificates ang isang indibidwal para sa kanyang transaksiyon, ay maaaring makulong sa loob ng isa hanggang anim na buwan o kaya’y pagmumultahin mula halagang P5 libo hanggang P10 libong piso.

Ibinalita rin ni Gapate na nauna ang Department of Education o DepEd sa mga division offices nito sa Bulacan na hindi na nag-uubliga ng orihinal na kopya ng birth certificate ng isang batang mag-eenrol.

Samantala, nasa proseso na ang PSA at ang Department of Information and Communication Technology o DICT sa pagbubuo ng isang civil registry database at makapagtayo ng isang virtual viewing facility para sa mga local civil registries at mga Philippine Foreign Service Posts upang makapagsagawa ng verification ng birth, death o marriage certificates ng mga Pilipino na kahit nasaan man sila sa mundo. (UnliNews Online)

Source: PIA Bulacan

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments