PINAKSA ko sa aking ikalawang kolum dito sa Unlinews Online ang kaibigan ng mga mamamahayag ng Bulacan, ang aking kumpare na si George Alex Tenorio, na sa kasalukuyan ay na naninirahan na ngayon sa Antioch, California. Sa mga hindi pa nakakaalam, si par na Alex na tinawag ding Boy George ay dating news reporter. Naging active member din siya ng Bulacan Press Club Inc. Hindi lamang sa Bulacan siya nag-cover ng news kungdi maging sa Metro Manila.
Noong ako ay news editor ng daily Text Tonight, si pareng Boy George ay provincial correspondent noon ng arawang pahayagan na aking pinapatnugutan. Idinestino ko rin siya sa Manila, bilang beat reporter pero mas pinili niya ang pagiging provincial correspondent sa Bulacan. Masipag namang peryodista si pareng Alex. Hindi ninyo naitatanong, magkumpare kami dahil inaanak ko sa kasal ang anak niyang lalake at ang manugang niyang taga-Balite, Calumpit.
Noong hindi na ako editor ng Text Tonight, may isa ring daily tabloid ang aking pinatnugutan ang Tanod Newspaper na may tanggapan sa Yakal St., San Antonio Village, Makati City. Hindi rin naman ako nagtagal sa Tanod dahil nahihirapan akong umuwi sa gabi. Sa Bulacan pa kasi ako umuuwi kaya hindi biro ang bumiyahe ng gabi kaya kalahating taon lang yata akong nanilbihan sa Tanod.
Noong 2010 napasok namang akong managing editor ng Pinas Global Newspaper. Weekly news magazine lang siya kaya tatlong beses kada linggo lang ako kung pumasok sa publishing office na may tanggapan sa 32nd Floor ng Jollibee Plaza Building, sa Ortigas, Pasig City kaya may spare time ako na mamalagi sa Bulacan at dito nga nakasama ko sa news coverage ang mga mamamahayag ng Bulacan kabilang sina Manny D. Balbin, Rommel Manahan, Romy Domalaon (SLN), Louie Angeles, Eric Silverio, Theofel Santos. May mga peryodistang babae rin kaming nakakasama sina Carmela Estrope, Eloisa Silverio, Lalaine Santos, Verna Santos, Vhioly Rosatazo, at marami pang iba.
Kaya galugad namin nina pareng Alex ang buong Bulacan ng panahong iyon mula sa kapatagan hanggang sa kabundukan ng Dona Remedios Trinidad.
Natatandaan ko pa noong naimbitahan ang Bulacan media na mag-cover ng news sa mismong lugar ng Angat Hydroelectric Power Plant (AHEPP) . Bumaba kasi nang husto ang level ng tubig sa Angat Reservoir na nagpatawag ng press conference ang National Power Corporation na National Grid Corporation of the Philippines na ngayon. Sa aking 100cc Honda motorcycle kami nag-angkas ni pareng Alex. Hindi ko alam na mahahaba.
Nahirapan ang aking motor sa mga akyatin sa hilltop sa Barangay San Lorenzo, sa Norzagaray, Bulacan na kinaroroonan ng AHEPP lalo pa nga at mayroon akong angkas. Tawa nang tawa si pareng Alex habang umaangil ang makina ng aking motor dahil sa matatarik na akyatin. Primera lang at segunda ang nagamit kong kambiyo dahil sa mataas na akyatin.
Maiba ako ng paksa, si pareng Alex ay matagal nang naninirahan sa California. Kasama niya roon ang kanyang mga anak kay mareng Lydia at kahit siya ay isa ng senior citizen ay nakakapaghanapbuhay pa rin siya. Sabi pa niya, iba raw ang patakaran sa paggawa doon sa America. Basta’t kaya ng katawan mo na magtrabaho, sige lang.
Sa simula ay assistant baker lang daw si Boy George. Napasok din siyang sales representative sa Alas Cargo. Bago siya napasok sa Alas ay ininterbyu daw muna siya roon at nang malaman na nakapagtrabaho siya sa cargo business sa Saudi Arabia ay agad siyang tinanggap noong July 17, 2014 Natatandaan ko pa na July 17, 2013 naman umalis ng Pilipinas pa-California si pareng Alex.
Dito aniya sa atin ay mahirap magkaroon ng saring sasakyan dahil kahit 2nd hand car lang ay mataas pa rin ang halaga. Ang una daw niyang kotse ay ang black BMW, samantalang ang kotse ng anak na si Maria ay Integra.
Iba’t ibang klase na rin ng sasakyan ang nabili ni pareng Alex kaya hindi aniya problema roon ang magkaroon ng sariling kotse at kahit second hand lang ay mayroon naman anyang quality at magagamit pa sa mahabang panahon.
Sa kasalukuyan ay namamasukan pa rin umano sa Island Pacific at Alas Cargo si Boy George. Kainaman anya sa Island Pacific ay nadestino siya sa fish section kaya libre na ang sea foods doon. Siya umano ang nagsasawa sa pagkain ng iba’t ibang uri ng isda at iba’t iba ring putahe na kanyang niluluto. Sa ngayon ay may sampung taon nang namamasukan sa California si pareng Alex.
Kapag may spare time ako sa barangay namin bilang kalihim ay nakakahuntahan ko si pareng George sa pamamagitan ng Facebook Messenger. Marami siyang kwento ng iba’t ibang karanasan niya habang siya ay namamalagi sa bansa na pinapangarap ng maraming Pilipino na marating, ang Estados Unidos ng America. (UnliNews Online)