Sunday, July 7, 2024
Amana Water Park
HomeNational NewsMagbayaw patay sa pagkain ng adobong palaka

Magbayaw patay sa pagkain ng adobong palaka

MARIVELES, Bataan — Isang welder at ang kanyang bayaw ang namatay matapos kumain ng adobong palaka na hinihinalang makamandag sa naganap na inuman sa Barangay Camaya sa Mariveles, Bataan nitong Miyerkules (March 22).

Kinilala ni Kin ang mga nasawi na sina welder Dennis Zarate, 37, at malapit nang umalis sa ibang bansa na si Charlie Caballero, 28, kapwa ng Barangay Camaya, Mariveles. Dinala sila sa Mariveles District Hospital (MDH) kung saan sila namatay.

Ayon sa ulat, ang mga biktima ay nagreklamo ng matinding pananakit ng tiyan, na unang natukoy ng mga doktor bilang acute gastroenteritis.

“Ang sabi kumain ang mga ito ng palaka na ginawang pulutan dahil nag-inuman kaya naisip namin na edible ang frog na kinain kaya minanage namin ito as acute gastroenteritis at bingiyan namin ng antacid, pain reliever at anti-spasm,” saad na doktor na nag-asiste sa mga biktima.

“Sobrang abdominal pain at pagsusuka ang nakita sa mga ito na puro gastric symptoms,” dagdag pa ng doktor.

Kuwento ng ina ng isa sa mga biktima na si Severina Caballero na nagtungo sa kanilang tirahan sa Sitio Lupang Pangako sa Barangay Alasasin, Mariveles ang kanyang anak na si Charlie at ang manugang na si Dennis at uminom ng alak hanggang hatinggabi habang natutulog silang mag-asawa.

Nagising daw siya sa malakas na sigaw ni Dennis na humihingi ng tulong dahil nakararanas ito ng kakapusan sa paghinga.

“Ginising ko ang aking asawa para madala ito sa ospital dahil kumain daw ang mga ito ng karag na ginisa nila. Ginising ko rin ang aking anak na si Charlie na sinabihan kong sumama sa ospital dahil nagpapadala sa ospital ang manugang ko,” ani ng nanay.

Sinabi ni Caballero na ang kanyang anak na si Charlie ay hindi nagreklamo ng anumang sakit ngunit bahagyang pamamanhid lamang ng mga labi at tiniyak sa kanya na maayos na ang kanyang pakiramdam. “Pinasan pa ni Charlie si Dennis pagdating sa ospital.”

Iniwan pa raw ng asawa si Charlie sa ospital habang papunta sa mga kamag-anak ni Dennis para ipaalam ang nangyari.

“Pagbalik ng asawa ko sa ospital ay anak naman namin ang nagtatatalon at hindi makahinga at sobrang sakit ng tiyan. Nagsabi pa raw ito na ‘tatay ipaalam mo na ang tiyan ko para mabuhay pa ako’ hanggang sa ni-revive na ang aming anak at nauna pa itong mamatay kaysa kay Dennis,” pagtatapos ng ina. (Manny D. Balbin)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments