CAMP GEN. ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang isang kustomer ng restobar sa bayan ng Bocaue dahil sa paglalagay sa lamesa ng bitbit na baril noong Sabado (Oct. 14).
Sa ualt kay Col. Relly Arnedo, Bulacan police director, ang naarestong suspek na itinago ang tunay na pangalan ay 34 anyos na lalaki mula sa Barangay Macatmon, Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Sa inisyal na imbestigasyon, naaresto ang suspek dakong ala-1:25 ng madaling araw noong Sabado sa Niel Restobar na matatagpuan sa kahabaan ng Mac Arthur Highway sa Barangay Lolomboy, bayan ng Bocaue.
Nagsumbong umano ang ang may-ari ng nasbing restobar sa lokal na pulisya na naglabas ng baril ang suspek sa kanyang body bag at inilagay sa ibabaw ng table niya.
Nakuha ng mga rumespondeng pulis mula sa pag-aari ng suspek ang isang Armscor cal. 9mm pistol na may serial number GD902141075, at isang magazine na puno ng pitong live na bala.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa R.A. 10591 (Illegal possession of Firearms and Ammunition) at ang Omnibus Election Code para sa gun ban.
Patuloy na pinalalakas ng Bulacan PNP ang pagpapatupad ng Omnibus Election Code at ang anti-criminality campaign nito para maalis ang mga banta sa komunidad habang papalapit ang panahon ng halalan. (UnliNews Online)