LUNGSOD NG MALOLOS — Pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) kamakailan ang 2-day Basic Aquatic Safety Training sa 36 kawani ng Kapitolyo mula sa iba’t ibang departamento at ospital bilang pagpapatuloy sa mga programa ng kahandaan pangsakuna.
Ayon kay ret. Colonel Manuel Lukban, PDRRMO chief, ibinigay ang nasabing pagsasanay sa mga safety marshalls ng Kapitolyo na dumaan sa Standard First Aid and Basic Life Support Training.
Itinuro sa nasabing pagsasanay ang wastong paglangoy at mga dapat gawin habang nasa gitna ng tubig.
“Layunin ng programa ang ibayong kaalaman at kahandaan sa mga hindi inaasahang pagkakataon sa gitna ng katubigan partikular sa malubhang pagbaha sa ilang bahagi ng lalawigan,” ani Lukban.
Malaki ang gampanin ng pagsasanay para sa mga kawani dahil buhay ang kanilang maisasalba sa panahon ng sakuna. Hangad rin ng PRDRRMO na maibahagi ng mga kawani ang mga kaalaman at kasanayan sa basic aquatic safety. (UnliNews Online)