Friday, November 8, 2024
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBarangay Paltok, patok na patok sa ‘Indakan GulayAngat 2023’

Barangay Paltok, patok na patok sa ‘Indakan GulayAngat 2023’

Nina Manny D. Balbin & Verna Santos

ANGAT, Bulacan — Muling nangibabaw ang husay at determinasyon ng mga kabataang mananayaw mula sa Brgy. Paltok upang muling magwagi bilang grand champion sa katatapos lang na Indakan sa GulayAngat 2023 Festival.

Maliban sa pagiging grand champion, ang Brgy. Paltok din ang nagwagi bilang Best in Street Dancing at 1st runner-up naman sa Best in Costume.

Ayon sa naging panayam ng mga lokal na mamahayag kay Kapitan Villamor Reyes Lazaro Jr. ng Brgy. Paltok, ito na ang pangalawang beses na nagwagi ang kanyang barangay sa nasabing festival.

“Ito ang pangalawang beses na pagwawagi ng Brgy. Paltok sa naturang patimpalak na indakan mula sa kauna-unahang GulayAngat noong nakaraang taon,” ani Kap. Lazaro.

Si Bise Gobernador Alex Castro na dumalo at sumuporta sa Indakan sa GulayAngat 2023 Festival. kasama si Mayor Jowar Bautista at ilang miyembro ng konseho ng Angat, Bulacan. (Kuha ni Allan Roi Casipit)

Dagdag pa ni Kap. Lazaro, marahil ang husay at determinasyon ng mga mananayaw ng Brgy. Paltok ang mga naging batayan upang maungusan ang ibang barangay na kalahok at manguna sa naturang patimpalak.

Nanguna ang Brgy. Paltok sa walong barangay na kalahok sa Indakan sa GulayAngat 2023.

Kabilang sa mga barangay na nagpakita ng husay at galing sa street dancing competition ay ang Brgy. Taboc, Marungko, San Roque, Paltok, Pulong Yantok, Niugan, Sto. Cristo at Baybay.

Tumanggap ang Brgy. Paltok ng halagang P100,000 bilang grand champion, P20,000 sa Best in Street Dancing Competition at P15,000 bilang 1st runner-up sa Best in Costume.

Ang mga mananayaw ng Brgy. Paltok ang nakatakdang ilaban ng bayan ng Angat sa Street Dancing competition sa Singkaban Festival sa susunod na taon.

Dumalo rin si Bise Gobernador Alex Castro sa Indakan sa GulayAngat 2023 Festival.

Pinasalamatan ni Mayor Jowar Bautista ang mga dumalo at nakiisa sa Indakan sa GulayAngat 2023 at binati ang Brgy. Paltok sa pangunguna nito sa naturang patimpalak.

Ang GulayAngat 2023 Festival ay isiniselebreyt taun taon sa buwan ng Oktubre. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments