Nina Verna Santos at Allan Roi Casipit
ANGAT, Bulacan — Nabalot ng sigla at kasiyahan ang isang linggong kaganapan ng ikalawang taong pagdiriwang ng GulayAngat (Gunita ng Lahi at Yamang Angat) Festival na sinimulan noong Oktubre 16 at nagtapos noong Oktubre 24, 2023 kaugnay ng ika-340 taong paggunita pagkakatatag ng Bayan ng Angat.
Bawat araw na nakapaloob sa nasabing okasyon ay kapanapanabik at di pinalagpas na matunghayan ng mga mamamayang Angateño maging mainit man ang sikat ng araw at sumungit man ang panahon ay ‘di nila ito alintana.
Sa kauna-unahang pagkakataon ipinamalas ng Bayan ng Angat ang kanilang kahusayan sa paggawa ng mga karosang nagpapakilala sa kasaysayan, kultura at tradisyon ng kanilang bayan.
Laro ng Laking Angat dito muling naranasan ng mga kabataan ang nakagisnan na mga laro ng mga panahong wala pang mga gadgets gaya ng agawang buko, Palo sebo, hilahang lubid, sepak takraw, karera ng sako, dama at sungka.
Nabigyan din ng pagkakataon ang mga lokal na negosyanteng Angatenyo na maglagay ng kanilang mga booth o puwesto sa inilunsad na GulayAngat Food Park.
Pinakita din ng mga taga Angat ang kanilang kahusayan sa pagluluto at pagtuklas ng mga bagong resipe sa Hapag ng Pamana ng Lahi (GulayAngat Cooking Contest) na ang tanging pangunahing sangkap ay mga tanim na gulay ng Angatenyo.
Ang itinanghal na bagong Hari at Reyna 2023 ng Gulay Angat naman ang kanilang magiging pambato sa susunod na Singkaban Festival.
Naging bahagi din sa pagdiriwang ang academic sector kung kaya’t inilunsad ang kauna-unahang DepEd Day. At nagkaroon ng iba’t ibang paligsahan ng mga estudyante at guro mula sa elementarya at high school.
Ipinakita ng mga Angatenyo ang kanilang husay sa pagsayaw sa kalye na may temang Indakan GulayAngat at ang nagwagi ang siyang lalahok sa Singkaban Festival sa susunod na taon.
Kabilang din sa mga aktibidad ang konsyerto ng sikat na banda at nagsagawa din ng Job Fair at Gawad Linang pagbibigay ng karangalan sa pinakamahusay
na magsasaka ng taon na nagsilbing susi upang makilala ang Bayan ng Angat sa pagtatanim ng iba’t ibang uri ng mga gulay.
Ang GulayAngat Festival ay itinatag ni Angat Mayor Reynante “Jowar” Bautista ito ay dalawang taon ng isineselebreyt at naisakatuparan sa tulong at suporta kanyang maybahay na si Mayora Lesslie T. Bautista. Sa pakikiisa ng Sangguniang Bayan ng Angat sa pangunguna ni Vice Mayor Arvin Agustin at mga kasangguni. Katuwang din si Congressman Salvador “Ka Ador” Pleyto na walang sawang umaagapay at nagbaba ng mga proyekto para sa mamamayan ng Angat. (UnliNews Online)