Thursday, July 4, 2024
Amana Water Park
HomeProvincial News‘Masagana Mahal Ko’ ID card na gamit sa vote-buying sa Pandi, ibinulgar!

‘Masagana Mahal Ko’ ID card na gamit sa vote-buying sa Pandi, ibinulgar!

UnliNews Reportorial Team

IBINULGAR ng ilang residente ng Barangay Masagana sa bayan ng Pandi, Bulacan ang plano ng isang tumatakbong kapitan ang paggamit ng “Masagana Mahal ko” ID card sa malawakang vote-buying para masigurado ang panalo nito sa halalang pambarangay sa Lunes (Oct. 30).

Ayon sa kuwento ng isang residente ng nabanggit na barangay na itinago sa pangalang “Caloy,” ang mga botante na may Masagana Mahal Ko card ay nakatanggap na ng halagang P1,000 mula kay Kapitan Francisco “Kikoy” Ramos Sandil noong Oktubre 22 at muling bibigyan ng P2,000 sa araw ng halalan kapag muling nanalong kapitan.

Ang Masagana Mahal Ko card ay magsisilbi rin umanong “health card” ng mga residente sa Brgy. Masagana dahil maliban sa meron itong personal picture ng holder, meron din itong QR Code at nakalagay din dito ang precinct number at araw ng kapanganakan.

Napag-alaman ng UnliNews Online na si Kap. Kikoy ay incumbent barangay chairman ng Masagana at ABC president sa bayan ng Pandi.

Ang Petition for Disqualification ni Marilyn Goc-ong sa Commission On Election (COMELEC) laban sa incumbent reelectionist na si Kapitan Francisco “Kikoy” Sandil ng Barangay Masagana kaugnay sa umanoy paglabag sa Omnibus Election Code (OEC) na vote-buying. (Kuha ni Jason Estrada)

Matatandaan na nitong Biyernes (Oct. 27) ay pormal na nagsampa ng reklamong “Petition For Disqualification” si Marilyn Goc-ong sa Commission On Election (COMELEC) laban sa incumbent reelectionist na si Kapitan Francisco “Kikoy” Sandil ng Barangay Masagana kaugnay sa umanoy paglabag sa Omnibus Election Code (OEC).

Sa kaniyang testamento sa complaint affidavit, sinabi ni Goc-ong na isa siya sa umanoy mga residente ng Brgy. Masagana na ipinatawag ni Kap. Kikoy at binigyan ng Masagana Mahal Ko ID card na may kalakip na halagang P1,000 noong Oktubre 22 at makatatanggap muli ng karagdagang P2,000 sa araw ng eleksyon kapag si Kap. Kikoy Sandil ang ibinoto.

“Nananahimik ang mga residente ng Brgy. Masagana dahil sa takot na mawalan ng benepisyo mula sa barangay, at takot sa kanilang kaligtasan. Ako rin ngayon ay natatakot para sa aking kaligtasan, ngunit nagsasabi lang ako ng totoo,” ani Goc-ong.

Nais ng petitioner na madiskwalipika ang naturang chairman ng Brgy. Masagana dahil sa pagbili nito ng boto sa mga residente gamit ang Masagana Mahal Ko ID card na isang paglabag sa Omnibus Election Code ng COMELEC.

Samantala, magtatalaga ng mga pulis ang Pandi PNP sa mga polling precinct sa nasabing bayan partikular na sa mga voting precinct sa Barangay Masagana upang bantayan at hulihin ang mga lalabag sa Omnibus Election Code gaya ng vote-buying.

Ayon kay Lt. Col. Rey Apolonio, hepe ng Pandi PNP,1 hanggang 6 na taon ang kulong sa mga mahuhuling lumalabag sa OEC ng SOMELEC kung mapapatunayan na nagkasala.

Mahigpit din ang paalala ng PNP lalo na sa mga kandidato at botante na huwag nang magtangkang gumawa ng mga maling gawain hinggil sa mga pinaiiral na batas kaugnay sa nasabing eleksyon.

Kaugnay ng kasong haharapin ni Kap. Sandil, ayon sa Municipal COMELEC ng Pandi, wala pa umano silang natatanggap na kahit anong memo o report kaugnay sa petition for disqualification na isinampa laban sa nasabing kapitan.

Tinangka rin kunan ng pahayag ng Unlinews Online ang kampo ni Kap. Kikoy kaugnay sa nasabing alegasyon ngunit hindi ito sumasagot sa aming mga text messages.

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments