MARILAO, Bulacan — Hinihikayat ng Department of Trade and Industry o DTI ang mga micro, small and medium enterprises o MSMEs sa Bulacan, partikular na yung pag-aari ng mga kababaihan, na epektibong gamitin ang E-Commerce.
Iyan ang tinuran ni DTI OIC-Assistant Regional Director Edna Dizon sa pagbubukas ng Womenpreneur Market-Tatak Bulakenyo Trade Fair sa SM City Marilao.
Layunin nito na maging tuluy-tuloy ang paglago ng mga MSME kung saan ang micro ay maging small, maging medium ang mga nasa small at maging ganap na large ang nasa medium.
Nagpaalala rin si Dizon na lakipan ng karampatang pag-iingat ang pakikipagtransaksiyon sa pamamagitan ng e-commerce upang hindi maging biktima ng iba’t ibang uri ng ‘online scam’.
Sa nakalipas na taong 2022, nasa 4,815 na mga MSME sa Bulacan ang naka on-board na sa E-Commerce platforms gaya ng mga online shopping.
Kabilang sila sa nasa mahigit 45 libong mga MSMEs sa Bulacan kung saan 80 porsyento ay pawang pag-aari ng mga kababaihan, base sa datos ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office o PCEDO.
Kaya naman ngayong Buwan ng Kababaihan, inorganisa ng PCEDO ang Womenpreneurs Market-Tatak Bulakenyo Trade Fair na tatagal hanggang sa Marso 31.
Kaugnay nito, hinikayat muli ang nasabing mga MSMEs na subukang palakihin pa ang puhunan sa pamamagitan ng paghiram sa PCEDO.
May inilaang limang milyong piso ngayong 2023 para rito sa ilalim ng Bayanihan Bulakenyo Financing Program ng pamahalaang panlalawigan.
Bukod dito, bukas pang tumanggap ng aplikasyon para makahiram ng karagdagang puhunan ang Small Business Corporation mula sa kanilang Resilient, Innovative, Sustainable Enterprises to Unleash your Potential o RISE UP Multi Purpose Loan. May panibagong pitong bilyong piso ang inilaan para sa nasabing pautang mula noong 2022. (UnliNews Online)
Source: PIA Bulacan