Sunday, July 7, 2024
Amana Water Park
HomeProvincial NewsDOST, nakapag-ambag ng P40M sa inobasyon ng Toll Packaging ng Pharmaceuticals at...

DOST, nakapag-ambag ng P40M sa inobasyon ng Toll Packaging ng Pharmaceuticals at Nutraceuticals sa Guiguinto

BOTOLAN, Zambales — Ibinida ng Department of Science and Technology o DOST ang matagumpay na simulain at inobasyon ng isang modernong toll packaging facility sa Guiguinto, para sa mga produktong pharmaceuticals at nutraceuticals.

Pangunahin ang Bauertek Corporation sa benepisyaryo ng Business Innovation through Science and Technology o BIST ng DOST sa gitnang Luzon na aabot sa P37 milyon. Iba pa rito ang P3 milyon na ipinagkaloob ng ahensiya sa ilalim ng Small Enterprise Technology Upgrading Program o SET-UP.

Kaya’t nagsilbi itong flagship project ng DOST-Bulacan nai-showcase sa ginaganap na Science Centrum & Product Bazaar bilang bahagi ng 2023 Regional Science, Technology and Innovation Week sa Botolan, Zambales.

Ayon kay Angelita Parungao, provincial director ng DOST-Bulacan, ang kabuuang halagang P40 milyon na naitutulong na ng ahensiya sa naturang toll packaging facility, ay naipagkaloob sa pagitan ng mga taong 2020 at 2023.

Naging fully operational ito noong taong 2020 sa barangay Sta. Rita sa Guiguinto, Bulacan.

Ito ay isang 100% na pag-aari ng mga Pilipino sa pangunguna ng imbentor at siyantipikong si Dr. Richard Nixon Gomez. Nakatutok ang kumpanya sa pagtulong sa paggawa ng mga herbal health supplements sa pamamagitan ng toll packaging.

Isa itong sistema kung saan ang sinumang gumagawa ng bitamina, food supplements at mga kagaya nitong herbal health supplements ay uubrang magpagawa ng packaging sa Bauertek Corporation.

Kaya naman ang mga kasangkapan na naitulong ng DOST ay nagagamit na para sa product registration, labels, bottles, encapsulation, bottling, blistering at sachet packaging.

Gayundin ang mga kagamitan upang maiproseso ang mga herbal raw materials mula sa mga organic farms ng mga partners nito sa mga higher educational institutions o HEIs gaya ng Mariano Marcos State University, Isabela State University at ang Nueva Ecija University of Science and Technology.

Nakakatulong ang state-of-the-art na mga pasilidad mula sa pagpupunla ng binhi, pagpapalago hanggang sa pag-aani na pasado sa pamantayan ng local at export markets.

Halimbawa ng ginagawa rito ang PiCur, na una at bukod tanging Philippine-made food supplement na naaprubahan ng pamahalaang Federal ng Germany upang maipasok at maibenta sa nasabing bansa.

Direktang nakatulong din ang DOST na makatamo ang toll packaging facility na ito ng certification sa Food and Drug Administration o FDA. Iba pa ito sa 10 FDA Certification na nakuha ng mga produktong nagpapa-package rito.

Nagresulta ito upang umubrang magawa at maitinda ang mga produktong pharmaceuticals at nutraceuticals para sa pampublikong gamit.

Kaugnay nito, sinabi pa ni Parungao na patuloy na tutulong ang DOST sa toll packaging facility na ito sa pagpapatayo ng isang bago at malaking pasilidad para sa extraction at processing ng High Purity Curcumin, Piperine, Allicin, Jamun at iba pang bioactive compounds para sa industriya ng pagkain at pagsasaka.

Samantala, sinabi ni DOST-Region III Regional Director Dr. Julius Caesar Sicat na ang toll packaging na ito sa Guiguinto, Bulacan ay isang malaking halimbawa ng mga inisyal na resulta ng innovation initiatives and programs na nasuportahan ng ahensiya.

Para kay DOST Undersecretary for Regional Operations Engr. Sancho Mabborang, naaayon ito sa direksiyon ng 2023-2028 Philippine Development Plan ng administrasyong Marcos na magamit ang bentahe ng agham, teknolohiya at inobasyon tungo sa katuparan na matamo ang isang matatag, maginhawa at panatag na buhay ng karaniwang Pilipino. (UnliNewsOnline)

Source: PIA Bulacan

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments