SINABI ni Senador Alan Peter Cayetano na mas mainam pang pagandahin ang lumang curriculum kaysa ipagpatuloy ang K-12 kung saan mababa naman ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
“Do we want to have the form na K-12 tayo pero ganyan kababa ang quality [of education], or do we take the criticism na hindi tayo K-12 pero mataas naman ang quality? If you ask me, I’d rather not have K-12 pero higher quality,” wika ni Cayetano sa plenary debate ng panukalang 2024 budget ng Department of Education (DepEd).
Giit ng independent senator, hindi naman napatunayang mas mainam ang K-12. Ibinigay niyang halimbawa ang Cuba, na aniya’y may magandang educational system kahit na mas kaunti ang taon ng pag-aaral bago ang kolehiyo.
Ayon kay Cayetano, ang pangunahing dahilan ng learning poverty sa Pilipinas ay ang pagbabawas ng school hours ng mga bata sa mga nakalipas na taon sa ilalim ng K-12. Binanggit niya ang pinakahuling ulat ng World Bank tungkol sa kalidad ng edukasyon sa East Asia at Pacific region, na nagsabing siyam sa bawat 10 batang Pilipino ay hindi nakakabasa at nakakaintindi ng simple, at age-appropriate na babasahin sa edad na 10.
Sa bahagi ng DepEd, sinabi nito na mahigit 2,800 sa 47,000 paaralan sa buong bansa ang may double, triple, o quadruple na shifting schedule. Ibig sabihin, hindi hihigit sa anim na oras lang ang inilalagi ng mga bata sa paaralan, kumpara sa walong oras sa ilalim ng lumang curriculum.
“For me, one thing that will return us to the right path is having enough time for the learners to actually learn,” wika ni Cayetano.
Dagdag niya, ang pangako ng K-12 ay “employable” na ang mag-aaral pagka-graduate nila sa senior high school, o kaya ay mas handa na para sa kolehiyo. Pero hindi ito matupad-tupad ng DepEd dahil kulang ang ahensya sa pondo at ibang resources.
Aniya, ito ang isa sa mga dahilan kung bakit isa siya sa dalawa lamang na senador na tumutol sa pag-apruba ng K-12 noong 2013.
“I opposed that (K-12) saying mas gusto ko naka-Volkswagen tayo na hindi nasisira at maganda kaysa naka-Mercedes Benz na sira-sira at wala naman tayong pambili ng spare parts,” aniya.
Sinabi ni Cayetano kahit pa karamihan sa ibang mga bansa ay nagpapatupad ng K-12, mahalagang pag-aralan nang mabuti ang usapin at tingnan kung talagang naaangkop ito sa Pilipinas.
“(There are) all these international studies, but we have to look at what works for the Filipinos,” aniya. (UnliNews Online)