LUNGSOD NG MALOLOS — Tumanggap ng bagong Computed Tomography o CT scan machine ang Bulacan Medical Center mula sa Department of Health (DOH), Central Luzon Center for Health Development, at United Nations Office for Project Services (UNOPS) sa ilalim ng Asian Development Bank-Funded Health System Enhancement to Address and Limit (HEAL) COVID-19 Project.
Ang nasabing turnover ceremony ay dinaluhan nina Bulacan Provincial Health Officer Dr. Hjordis Marushka B. Celis, Chief of Hospital II Dr. Angelito D. Trinidad, UNOPS Senior Project Manager Richard Mugacha, DOH Assistant Secretary Leonita P. Gorgolon, Central Luzon Center for Health Development Regional Director Corazon I. Flores, United Nations Office for Project Services (UNOPS) Country Manager Oscar Marenco, mga kawani ng BMC, at ilang empleyado ng Bulacan Provincial DOH.
Taglay ang advanced medical imaging, may kakayahan ang bagong CT scan machine na lampasan ang tradisyunal na pamamaraan ng medikal na pagsusuri at masimulan ang isang transpormatibong yugto ng mas pinabuting serbisyong medikal para sa mga Bulakenyo.
Samantala, sa mensahe ni Gob. Daniel R. Fernando na ipinaabot ni Panlalawigang Tagapangasiwa Antonette V. Constantino, ang pagkakaroon ng bagong kagamitang medikal ay nagsisiguro sa patuloy na pagpapabuti ng sistema ng serbisyong medikal sa lalawigan.
“Sa pagtutulungan po ng mga namumuno sa Bulacan Medical Center at sa entire health care system ng Bulacan, natitiyak po natin na maia-upgrade po natin lalo ang ating health care system as we transition to the ideal Universal Health Care System. Our wish for our citizens is that they can have quality health care that they need when they need it without the financial hardship,” ani Constantino.
Ang patuloy na pagpapabuti ng mga serbisyong pangkalusugan at medikal sa BMC ay naaayon sa mga layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. pagdating sa pagtataguyod ng Universal Health Care na naglalayong tiyakin ang mataas na kalidad, abot-kaya, at accessible na serbisyong pangkalusugan at pasilidad para sa bawat Bulakenyo. (UnliNews Online)