LUNGSOD NG MALOLOS — Sa madalang na pagkakataon, nagtipun-tipun ang may 44 na manunulat sa lalawigan ng Bulacan para sa isang aktibidad na puno ng saya sa isinagawang Media Sportsfest 2023 – Pickleball Tournament sa pangunguna ng Provincial Public Affairs Office sa pakikipagtulungan sa City of Malolos Pickleball Club na ginanap sa Bulacan Sports Complex sa lungsod na ito noong Biyernes (Nov. 17).
Bilang bago ang lahat sa isport na Pickleball, nagsagawa ang mga miyembro ng City of Malolos Pickleball Club sa pangunguna ng kanilang Club President Cecilio Castro at Club Officer Cherry Arcega ng isang oryentasyon at pre-game briefing para sa mga kalahok na manlalaro bago ang torneo na nagtampok sa papausbong na kasikatan ng Pickleball na angkop sa lahat ng edad at antas ng kasanayan.
Sumabak ang mga baguhang manlalaro sa iba’t ibang kategorya kabilang na ang Men’s Doubles, Women’s Doubles at Mixed Doubles kung saan nag-uwi ang mga nanalo ng papremyo na nagkakahalaga ng P5,000 para sa kampeon; P3,000 para sa ikalawang pwesto at P2,000 para sa ikatlong pwesto, tropeo para sa bawat manlalaro at sertipiko para sa lahat ng kalahok.
Naggawad rin ng mga espesyal na parangal kung saan ang mga nagwagi ay tumanggap ng mga espesyal na papremyo.
Nagpamalas ang mga nagwaging sina Ricardo Mirasol at Omar Padilla ng teamwork at itinanghal na kampeon sa Men’s Doubles habang sina Louie Angeles at Thony Arcenal ay nakamit ang ikalawang pwesto at sina Jason Estrada at Joey Uy naman sa ikatlong pwesto; naiuwi naman nina Mary Ann Naduma at Lilibeth Tan ang kampeonato sa Women’s Doubles, Mila at Claire Ponce sa ikalawang pwesto at Evita Estrada at Mailaflor Cruz sa ikatlong pwesto; nagsikap din ang mag-asawang Theofel Santos at Lalaine Santos para maging kampeon sa Mixed Doubles habang nakamit naman ng mag-inang Verna Santos at Allan Roi Casipit ang ikalawang pwesto at Rene Clemente at Maricris Mapalad naman sa ikatlong pwesto.
Ipinahayag ni Provincial Information Officer Katrina Anne Bernardo-Balingit ng kanyang pasasalamat sa mga miyembro ng media mula sa Bulacan na naglaan ng kanilang oras upang makilahok at kinilala rin ang mahalagang suporta na ibinigay ng City of Malolos Pickleball Club para sa matagumpay na Media Sportsfest 2023.
Samantala, nagpaabot rin ng kanilang suporta sina Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro sa isinagawang Media Sportsfest 2023 lalo na sa layunin nitong isulong ang malusog na pamumuhay at bumuo ng magandang samahan sa pagitan ng mga miyembro ng media.
Ang Pickleball ay isang paddle sport mula sa kumbinasyon ng pinagsama-samang elemento ng tennis, badminton at table tennis na mabilis na nagiging popular lalo na sa mga nakatatanda dahil sa mga panuntunan nito na madaling matutunan at pisikal na mas madaling laruin kumpara sa ibang racquet sports.
Para sa mga gustong sumali at maging miyembro ng City of Malolos Pickleball Club, maaaring bisitahin ang kanilang Facebook page na City of Malolos Pickleball Club o mag-email sa cmpc2023.002@gmail.com para sa iba pang mga katanungan. (UnliNews Online)