Sunday, July 7, 2024
Amana Water Park
HomeOpinionTapos na ang Barangay Election, may naiwan pa rin

Tapos na ang Barangay Election, may naiwan pa rin

NATAPOS na ang politika sa barangay pero may mga isyu pa ring naiwan lalo na sa hanay ng mga talunang kandidato. Natural naman ang gayon dahil hindi biro ang mahabang panahon ng magastos at nakapapagod na pangangampanya. Hindi naman talaga nawawala ang ganyang kalakaran pagkatapos ng halalang pambarangay.

Ano nga ba ang mga isyung nalalabi pagkatapos ng barangay election? Karaniwan ng sinasabi ng mga talunang kandidato na kesyo nadaya sila, vote buying at vote selling at marami pang ibang paksa patungkol sa mga nagwaging kandidato.

Alam ninyo, hindi naman nawawala ang isyu ng pera sa alinmang halalan, national man o local elections lalo na sa barangay election kaya hindi ka puwedeng kumandidato ng wala kang pondong pera dahil karamihan sa mga botante ay nagbebenta ng kanilang karapatan sa pagboto at hinihintay ang kandidato na magbibigay sa kanila ng perang pansuhol

Kaya ang siste, nagbabantayan ang mga magkakalabang kandidato lalo na kapag oras de peligro na, pero dahil tuso itong mga pulpolitiko, at ang mga kalabang tradisyunal na pulitiko ay umaasa na lang sa mga supporters ng kanilang mga katiket, naiisahan sila ng mga tusong pulpolitiko. Kasi nga eh tuso kaya mahuhusay sa pagmaniobra at pagmanipula. Napakahusay nga nilang mangusap at nagpapanggap na mga huwarang lingkod pero taliwas naman sa totoong buhay.

Iyan ang na bahagi ng halalan sa Pilipinas. Pati ang barangay ay nakulapulan na rin ng burak ng maruming sistema ng halalan. Itong mga tusong kandidato tuwing may election ay sinasamantala ang kahinaan ng mga botante. Marami namang paraan para makapamili ng boto. Ang mga tusong pulpolitiko ay bumabayad ng mga tao na kung tawagin nila ay ‘coordinator’.

Sila ang mistulang mga ‘askal’ na pinagagala ng mga tiwaling pulpolitiko sa mga samahan, sa mga pamilya o indibidwal man para mangumbinsi at silawin sa pamamagitan ng pera ang mga botanteng nagbebenta ng karapatan sa pagboto. Panigurado nga naman na kapag tumanggap ng suhol ang mga walang dignidad na botante ay nakatali na sa kanila.

Sa kabilang banda, mayroon din namang mga tusong botante na tumatanggap din ng perang suhol pero hindi naman nila iboboto ang kandidatong tuso, kasi nga eh tuso silang botante. Kung sino pa rin nasa puso nila ay ang kanilang isusulat sa balota. Ganyan ang mga botanteng may paninindigan sa mga kandidato na kanilang natanguan o napangakuan.

Kaya iyang kostumbreng hinanakit lalo na sa mga hanay ng magkakamag-anak ay hindi nawawala pagkatapos ng halalan, tulad na lang nitong nakaraang Sangguniang Kabataan and Barangay Election. Tiyak maraming magkakaanak sa bawat barangay sa buong Pilipinas ang nagkabaha-bahagi at nagkahiwa-hiwalay dahil sa halalan dahil sa paglahok ng ilan sa pulitika.

Maging sa samahan ng relihiyon na may mga miyembro sila na magkakalaban sa pulitika, hindi naiiwasan ang hinanakitan kaya ang nagsa-suffer ay ang relihiyon na kanilang kinaaaniban. Naroon pa rin ang pagsasamaan ng loob kahit matagal ng tapos ang halalan dahil sa pamumulitika at bulgar na pagkampi ng mga miyembro sa kanilang mga kandidato.

Mabuti pa nga ang mga botanteng miyembro ng INC. Hindi sila maingay. Kapag nagbigay ng utos sa mga kapatiran ang pinunong lokal ay agad na tatalima ang kapatiran kung sinu-sino ang karapat-dapat na mga kandidato ang kanilang susuportahan. Dahil iyon ang utos ng nakatataas sa kanila at hindi sila nakikilahok o nakikisawsaw man lang sa bawat kampo at supporters ng mga kandidato. Nakadistansiya sila. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments