PANDI, Bulacan — Nasa 1,500 Pandieño ang nakinabang sa isinagawang “People’s Caravan: Serbisyong Dala ay Pag-asa” na pinangunahan ng National Housing Authority (NHA) Bulacan District Office sa Pandi Village 1, Barangay Siling Bata nitong Biyernes (Nov. 24).
Ito ay dinaluhan nina Vice Governor Alex Castro, Mayor Rico Roque, mga lokal na opisyales ng Pandi sa pangunguna ni Municipal Administrator Arman Concepcion.
Ayon kay Ma. Fatima T. Dela Cruz, District Manager, Bulacan District Office, inilapit ng ahensya ang iba’t ibang serbisyo ng gobyerno sa mga tao sa isang lugar bukod sa pagbibigay ng mga bahay.
Layunin din umano ng naturang People’s Caravan na masuportahan ang mga benipisyaryo ng pabahay sa kanilang pangkabuhayan at upang matugunan ang pangangailangan ng bawat pamayanan ng pabahay sa Bayan ng Pandi.
Kabilang sa kalahok ang Department of Agriculture, bitbit ang Kadiwa ng Pangulo, National Irrigation Administration, TESDA, DTI, DOLE, DOH, LTO, PSA, SSS, DSWD at iba pa.
Narito rin ang iba’t ibang private companies na nakilahok para sa job fair na bahagi ng People’s Caravan na kung saan ang prayoridad ng bawat kumpanya ay mga residente ng pabahay na naghahanap ng trabaho.
Nagpasalamat naman si Mayor Roque sa NHA at sa iba pang government agencies na naghatid ng tulong sa mamamayan ng mga pabahay sa Pandi.
Para sa seguridad, siniguro ng Philippine National Police (PNP) Pandi ang kapayapaan ng caravan. (UnliNews Online)