LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Pormal nang sinimulan ang kampanya ng City Social Welfare and Development Council ang 18-Day Campaign to End Violence Against Women na nagsimula noong November 25 at magtatapos sa December 12.
Ang naturang kampanya na may layunin na palakasin at tiyakin na ang Malolos ay ligtas mula sa karahasan laban sa kababaihan ay pinangunahan ni Social Services Commission Division Jinky Joy Del Rosario at ni Mayor Christian D. Natividad.
Isa rin sa layunin ng kampanya ay ang pagtaas ng kamalayan ng mga kababaihan hinggil sa kanilang mga karapatan laban sa pang-aabuso.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Del Rosario ang lahat na makilahok at maki-isa sa kampanya laban sa VAW at ibinahagi na ang Lungsod ng Malolos ay maigting na sumusuporta sa kampanya mula pa noong 2017.
Kasabay ng Kick-Off Campaign to End Violence Against Women ang pagpaparangal sa mga nagwagi sa nakaraang Children’s Congress, maging si Gng. Marilyn B. Domingo bilang Most Outstanding Barangay Population Worker (BPW) sa buong Pilipinas.
Binigyan din ng plake ng pagkilala si dating SK Federation President Patrick S. Dela Cruz para sa kanyang naging serbisyo at kontribusyon sa nasabing lungsod.
Kasunod ng kick-off ceremony ang ribbon cutting para sa “Karahasan sa Mata ng Kabataan” | The Orange Exhibit 2.0: Journey Towards VAW-Free Malolos, kung saan ay makikita ang likha ng mga estudyante mula sa iba’t-ibang paaralan sa gaya ng City Malolos Integrated School – Catmon, CMIS – Babatnin, CMIS – Sto Rosario, Marcelo H. Del Pilar National High School, Corazon Teodulo Natividad High School, at Barasoain Memorial Integrated School.
Dumalo at nagbigay din ng suporta sina Pangalawang Punong Lungsod Miguel Alberto T. Bautista, Konsehal Noel R. Sacay, Konsehal Victorino “Troi” Aldaba III, Konsehala Therese Cheryll “Ayee” Ople, Konsehal Dennis San Diego, CSWDO Department Head Lolita S.P. Santos at SK Federation President Rian Maclyn L. Dela Cruz. (UnliNews Online)