SA kabuuan ay mayroong 43,046 barangay sa buong Pilipinas, at sa nakaraang halalan ng Barangay at Sangguniang Kabataang ay maraming mga incumbent na punong barangay at barangay kagawad ang muling nahalal at marami din naman ang mga bagong halal sa nasabing mga posisyon.
Sa pitong kagawad at isang Sangguniang Kabataang chairperson ang bumubuo sa Sangguniang barangay at ang bawat isa ay itinatalaga ng punong barangay na tagapangulo ng bawat komite tulad ng komite sa peace and order, edukasyon, pagawain, kalusugan, pananalapi (finance) at iba pang komite.
Para sa kabatiran ng mga kapitan at ng mga barangay kagawad sa buong bansa, ako ay dating kalihim ng barangay at alam ko ang duties and responsibilities ng bawat committee chairman. Bilang isa na ngayong freelance na peryodista, may panahong na ako sa aking propesyon dahil hindi na ako pinasasahod ng taumbayan, kaya may laya na akong magsulat ng anomang paksa na gusto kong sulatin.
Ang paksa ko ay sa barangay na muna at ang aking napiling istoryahin ay ang mahalagang papel ng kagawad na tagapangulo ng finance committee. Ito rin ang committee on finance and appropriation. Noong ako ay kalihim pa sa aming barangay, naatasan akong dumalo sa seminar ng Bulacan Accountant’s League Inc. (BALI) seminar, sa Crown Hotel sa Baguio City, maraming mga kaalaman akong natutunan sa naturang seminar.
Kailangan kasing may alam ang chairman ng finance and appropriation sa disbursement of barangay budget. Kung susundin talaga ang batas ng Commission on Audit, kailangang mayroong bidding sa pagbili ng mga bagay-bagay na gamit sa barangay tulad ng school supplies at tatlong suppliers ang lalahok sa bidding process. Mabusisi ang prosesong ito kung sinusunod sa barangay.
Kailangan pa kasing mag-canvass ang chairman ng finance and appropriation at ang barangay treasurer mga suppliers. Mayroong form sheet na doon nakasulat ang name of bidders/suppliers, petsa ng pag-canvass at kung sino ang pinakamababa ang siyang nanalong supplier at saka lalagdaan ng punong barangay, treasurer at ng chairman ng finance and appropriation ang form o kontrata bilang pagkilala sa winning bidders.
Kaya sa tuwinang mag-oorder ng office supplies si treasurer sa supplier ay mag-iisyu ng tseke ang treasurer igagawa iyon ng voucher o kaya naman ay maglalabas ng Pondo sa barangay depository bank para pambayad sa naturang na school supplies at ang pondong magagamit ay huhugutin sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ayon sa barangay budget.
Lalagda rin sa voucher ang kapitan, Kagawad at si treasurer kaya dapat na inaalam ng chairman of finance and appropriation ang mga voucher na kanyang nilalagdaan kung saan bahagi ng barangay budget hinugot at rebisahin ang mga resibo (official receipt ) kung ang mga iyon ay tumutugma sa mga supplies na binili sa supplier. Kailangan din na may pictures ng mga items na ia-attached sa voucher dahil hahanapin iyon ng COA.
Kaya lang anomang paghihigpit ng COA sa disbursement of barangay funds ay naigagawa pa rin ng ‘shortcut’ dahil halimbawang may pinagkagastusan ang mga tauhan ng barangay at walang official receipt na ibinigay ang tindahan o karinderya na kinainan, ang litrato at attendance sheet na lang ang pagbasehan ng treasurer sa paggawa ng voucher. Kailangang alam iyan ni kagawad o ng tagapangulo sa komite ng finance and appropriation.
Isa pa, ang pagbili ng mga mahalagang kagamitan ng barangay ay kailangang tinatalakay sa session ng Sangguniang barangay at sasang-ayunan ng lahat ng kagawad at ng SK chairman. Ang kalihim ng barangay ang maghahanda ng resolusyon at lalagda roon ang SB members bilang pagsang-ayon saka naman pagtitibayin ng punong barangay sa panamagitan ng kanyang lagda.
Ang binanggit ko dito ay pawang pahapyaw lamang subalit nakapaloob ang mga iyan sa Sections 329-334 (Barangay Budget) ng Local Government Code of 1991 (RA No. 7160) tungkol sa paggamit, pag-iingat at pagkolekta sa pondo ng barangay kaya dapat na basahin at pag-aralan ng kagawad na chairman ng finance and appropriation ang libro o bibliya ng pamahalaang lokal dahil iba ang may alam. (UnliNews Online)