LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Dahil sa mahusay na pagtugon at pangangasiwa ng Malolos CDRRMO sa mga kalamidad at sakuna, kinilala ito bilang “Beyond Compliant” sa 23rd Gawad KALASAG kamakailan.
Malugod na tinanggap nina Mayor Christian D. Natividad, City Administrator Joel Eugenio at si LDRRMO IV Katrina Pia Pedro ang Beyond Compliant Gawad KALASAG Seal for Local Disaster Risk Reduction and Management Councils and Offices (LDRRRMCOs) na ginanap sa Manila Hotel.
![](https://unlinews.org/wp-content/uploads/2023/12/KALASAG2-886x1024.jpg)
Ang Gawad KALASAG (Kalamidad at Sakuna Labanan, Sariling Galing ang Kaligtasan) ay naitatag noong 1998 sa pangunguna ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Office of Civil Defense at Department of Interior and Local Government.
Layunin ng Gawad KALASAG ang kilalanin at parangalan ang mga organisasyon nagpakita ng kahusayan sa pagsulong at pagpapatupad ng mga programang magbibigay proteksyon sa mga “High Risk and Vulnerable Communities” at paigtingin ang kanilang kaalaman na maari nilang gamitin para protektahan ang kanilang mga sarili.
Ayon kay Mayor Natividad, ang ganitong parangal ay isang patunay na mas magiging epektibo ang kahit anong programa kung malakas ang relasyon ng lokal na pamahalaan sa mga barangay at mga komunidad na nasasakupan nito.
Nagpaabot din siya ng maalab na pagbati sa Malolos CDRRMO sa pagsusumikap ng kanilang tanggapan na makagawa ng iba’t-ibang programa na makakatulong at makapaghahanda sa mga Malolenyo sa banta ng sakuna at kalamidad.
Dumalo at nakiisa sa pagkilala sina Benjamin Abalos Jr. – DILG Secretary, Gilbert Teodoro – Secretary of the Office Civil Defense, Ariel Nepomuceno – Executive Secretary and Administrator of the Office Civil Defense. (UnliNews Online)