Saturday, December 14, 2024
Amana Water Park
HomeProvincial NewsUnang ‘Bawat Buhay Mahalaga’ Serbisyo Caravan ng PAGCOR, inilunsad sa Malolos

Unang ‘Bawat Buhay Mahalaga’ Serbisyo Caravan ng PAGCOR, inilunsad sa Malolos

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Inilunsad ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR ang kauna-unahang ‘Bawat Buhay Mahalaga’ Serbisyo Caravan na ginanap sa lungsod ng Malolos kamakailan.

Ayon kay PAGCOR Chairman at Chief Executive Officer o CEO Alejandro Tengco, dito sa Malolos piniling isagawa ang kick-off ng nasabing caravan nitong Disyembre 8 hanggang 9, 2023 na dederecho sa hilagang Luzon. Isusunod nito ang katimugan ng Luzon hanggang malibot ang buong Pilipinas.

Layunin aniya ng ‘Bawat Buhay Mahalaga’ Serbisyo Caravan na mas maipaabot at maiparamdam ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga serbisyo, proyekto at programa ng pamahalaan tungo sa katuparan ng isang ‘Bagong Pilipinas’.

Bilang panimula, umabot sa 1,000 Bulakenyo ang napagkalooban ng libreng serbisyong medikal, dental at gamot. May pasunod pa itong grocery packs at tig-iisang litro ng purified water para sa mga benepisyaryo.

Kalakip ng caravan ang pormal na pagkakaloob sa Bulacan ng iba’t ibang tulong pangkalusugan, pang-edukasyon, pangkabuhayan at pambarangay.

Sinabi ni Tengco kay Gobernador Daniel Fernando sa pagbubukas nitong caravan, na may order na Ultrasound at 2D Echo ang PAGCOR mula sa United States para sa Bulacan Medical Center o BMC. Nauna nang ipinadala sa lalawigan ang nasa 600 na units ng mga wheelchairs.

Nagbigay din ang PAGCOR ng 1,000 slots para sa scholarship para sa mga vocational courses sa Bulacan Polytechnic College o BPC at 1,000 scholarship grants sa mga kwalipikadong mag-aaral ng Bulacan State University o BulSU. Nagkakahalaga ng P5 libo ang bawat isang scholarship grant.

Sa larangan ng kabuhayan, katuwang ng PAGCOR ang Tindahan ni Aling Puring program ng Puregold Price Club Inc. sa pagkakaloob ng mga pangkabuhayan packages. May limang pangkabuhayan packages ang natanggap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan. Habang nasa isa hanggang dalawang pangkabuhayan packages ang ibinigay sa 20 bayan at apat na lungsod ng lalawigan.

Ayon naman kay Gobernador Fernando, patunay ang tinatayang nasa P50 milyong na halaga ng mga inisyal na naipagkaloob at naitulong ng PAGCOR sa Bulacan na nasa hanay ng mga prayoridad ng administrasyong Marcos ang kapakanan ng mga Bulakenyo.

Ang 4,500 na mga bisikleta ay ipinadala ng PAGCOR sa 572 na mga barangay sa Bulacan upang magamit sa pagsasagawa ng mga ronda ang mga tanod sa maliliit na kalsada o kalye.

Samantala, iniulat ni Tengco na umangat sa P6 bilyon ang kinita ng PAGCOR para sa taong 2023. Mas mataas aniya ito sa naitalang P4.3 bilyon noong 2022 sa pagpasok ng administrasyong Marcos Jr.

Kabilang sa mga nakalinyang proyekto ng PAGCOR mula sa taong 2024 ang muling pagpapatayo ng mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan. Popondohan din ang pagpapatayo ng mga socio-civic centers at mga E-Learning Centers na may kapasidad na 48 working stations na may high-speed internet.

Ang PAGCOR ay naitatag sa bisa ng Presidential Decree 1067-A na inilabas ni noo’y Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr. noong 1977. Isa itong government owned and controlled corporation o GOCC na nagpapatupad ng regulasyon sa operasyon ng mga casino at iba pang pasugalan sa bansa. Napupunta ang 70% na mga kinikita nito sa iba’t ibang proyekto at programa na natukoy na prayoridad ng Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas. (UnliNews Online)

Source: PIA Bulacan

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments