SUBIC BAY FREEPORT ZONE — Mas bubuti ang sistema ng irigasyon sa bansa sa tulong ng 141 na bagong biling excavator ng National Irrigation Administration (NIA).
Sinaksihan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang turn-over ceremony ng naturang mga kagamitan sa 17 field offices ng NIA nitong Miyerkules, ika-13 ng Disyembre, na ginanap sa Naval Supply Depot Compound sa Subic Bay Freeport Zone.
Ayon kay NIA Acting Administrator Eduardo Eddie Guillen, ito ay simula pa lamang ng kanilang Three-Year Re-Fleeting Program mula 2023 hanggang 2025 na may layuning tiyakin ang mahusay at epektibong operasyon at pagpapanatili ng mga sistema ng irigasyon sa bansa.
Ang mga makinaryang ito ay gagamitin aniya ng mga irrigators association para sa desilting ng kanilang kanal, at pagsasaayos ng kanilang mga patubig para tiyakin ang seguridad ng pagkain.
Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng mga karagdagang kagamitan para sa pagpapanatili ng 257 national irrigation systems at 10,144 communal irrigation systems sa buong bansa.
Nanawagan din ang Pangulo sa NIA para sa pagpapatayo ng pasilidad sa distribusyon ng tubig at paghahanda sa epekto ng El NiƱo sa sektor ng agrikultura.
Source: PIA 3