LUNGSOD NG MALOLOS, — Umabot na sa P453.6 milyong halaga ng mga makabagong pangsaka ng Palay, ang naipagkaloob na ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech) sa mga magsasakang Bulakenyo mula pa noong 2019.
Iyan ang iniulat ni Joel Dator, director for operations ng PHilMech, awarding ceremony para sa ikalimang batch ng mga benepisyaryo ng farm mechanization sa Bulacan.
Nakapaloob dito ang halagang P101.80 milyon noong 2019, P112.53 milyon para sa taong 2020 noong kasagsagan ng pandemya, P129.95 milyon noong 2021 at P50.21 milyon noong 2022.
Ang nasabing mga halaga ay pinondohan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) sa bisa ng Rice Tarrification Law o Republic Act 11203 na matatapos ngayong 2024.
Ito ang nakolekta mula sa ipinataw na taripa sa mga inaangkat na Bigas ng mga nasa pribadong sektor.
Pinakabago rito ang P59.18 milyong halaga ng mga makinarya na pormal nang natanggap ng mga magsasaka mula sa alokasyon para sa taong 2023.
May 38 mga farmer cooperatives at irrigators association ang mga benepisyaryo na nakabase sa mga palayan ng Calumpit, Malolos, Paombong, Pulilan, Plaridel, Baliwag, San Ildefonso, San Miguel, San Rafael, Bocaue, Pandi, Angat, Santa Maria at San Jose Del Monte.
Sila ang pinagkalooban ng 14 na four-wheel tractor, 15 hand tractor, siyam na riding type transplanter, limang rice combine harvester, tig-apat na walk-behind transplanter at single pass rice mill at ang dalawang precision seeder.
Para kay Lolita Coronel, pangulo ng Nagkakaisang Magsasaka Irrigators Association Inc. na kabilang sa mga benepisyaryo, malaking bagay ang pagkakaroon nila ngayon ng isang bagong Rice Combine Harvester o kilala bilang ‘Halimaw’, na masigurong magandang ang kalidad ng Palay na kanilang naaani.
Mas mapapabilis din ang pag-aani dahil sa pamamagitan ng Rice Combine Harvester, dahil ang nagapas na Palay ay derecho na sa paggigiik kung saan inihihiwalay na ang butil sa dayami.
Gagamitin ito sa 146 ektarya ng lupang sakahan sa mga barangay ng Tabon at Dulong Malabon sa bayan ng Pulilan na kabuhayan ng nasa 150 na mga magsasaka.
Samantala, naniniwala si Provincial Agriculturist Gloria Carillo na nakatulong nang malaki ang mga makabagong makinaryang pangsaka na pinondohan ng RCEF, sa pagpapalakas ng ani ng Palay sa Bulacan sa kabila ng urbanisasyon.
Base sa talaan ng Provincial Agriculture Office (PAO), umangat sa 174,338 metric tons ang naaning Palay noong dry season ng 2022 hanggang 2023 na naitanim sa 33,981 na lupang sakahan. Higit na mas mataas ito sa naitala sa kaparehong panahon noong 2021 hanggang 2022 na 160,266 metric tons sa 32,925 na ektaryang sakahan.
Tumaas din ang ani sa wet season ng 2023 na nasa 173,160 metric tons sa 39,083 ektaryang tinaniman, kumpara sa 173,572 metric tons sa 40,266 ektarya. (UnliNews Online)