PANDI, Bulacan — Sinimulan na ng bayan ng Pandi ang “Bantay Kalusugan” program na #LABExpRess, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng libreng laboratory test na magiging prayoridad ang mga lolo at lola.
Ang nasabing programa na may temang “Kalusugan mo, Una sa aming serbisyo” ay nakatakdang bumaba at maghatid ng serbisyo medikal gamit ang Mobile Health Clinic sa 22 barangay sa bayan ng Pandi.
Ayon kay Mayor Rico Roque, “Kayo po (senior citizens) ang extension ng pagmamahal ko para sa Nanay at Tatay ko, kung paano ko po sila binabantayan at iniingatan partikular na ang kanilang kalusugan ay ganoon din po sa inyo.”
Ang mga libreng serbisyo medikal na ihahandog ng #LABExpRess ay mga laboratory tests tulad ng CBC, urinalysis, FBS, cholesterol, uric acid, ultrasound, chest x-ray at ECG.
“Kami po ang bababa at lalapit sa inyong mga barangay. Ito po ay libre, wala po kayong kailangang bayaran,” dagdag pa ng alkalde.
Dagdag pa ni Mayor Rico, “Hayaan n’yo po kami, kasama ang inyong mga pamilya ang magbantay at kumalinga sa kalusugan at kapakanan ninyo.”
Para po sa mga mahal nating lolo at lola na nagtatanong tungkol sa detalye ng programang ito. Maaari po kayong makipag-ugnayan sa OSCA sa inyong barangay o bumisita sa pinakamalapit na RHU sa inyo. (UnliNews Online)