USAP-USAPAN hanggang ngayon, ang lumabas na ulat sa social media na sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ang mga lokal na pwersang pampulitika ay muling magsasama-sama, upang simulan ang isang kilusan para sa isang “hiwalay at independiyenteng Mindanao.”
Nangyari ito sa isang press conference na tinawag niya nitong nakaraang mga araw, sinabi ng dating Pangulo na ang breakaway ay “hindi magiging madugo” ngunit susundin ang mga proseso na itinatag ng United Nations.
Tsk! Tsk! Tsk! Suhestion man ito o anupaman, ay panahon na upang bigyan pansin ang mga kakulangan ng ating pamahalaan sa Katimugan ng Pilipinas. Kailangan ng mga taga-Mindanao ang kalinga at pagpapahalaga. Bakit laging may gulo at walang katahimikan sa lugar na iyun, bakit may mga nagsisilitaw na mga grupong laban sa Gobyerno? Bakit hindi makakamit ang kapayapaan sa Mindanao?
Ang katimugan sa Pilipinas ay dumanas ng ilang dekada ng tunggalian, karahasan, at pagkakaroon ng mga armadong grupo. Dahil sa kahirapan, mahinang pamamahala, at hindi malinaw na pagpapatupad ng mga kasunduang pangkapayapaan sa Moro Fronts, naging mahina ang rehiyong ito at hindi pa rin nakakalapit sa kapayapaan.
Ang Mindanao ang may pinakamataas na antas ng kahirapan sa Pilipinas, mahinang tuntunin ng batas at mahinang pananagutan, hindi sapat na serbisyong panlipunan, at limitadong naibibigay na pagkakataon sa ekonomiya.
Ang kailangan ay mairesolba ang kahirapan sa Mindanao. sa pagbubukas ng oportunidad at anumang nakikitang potensyal ng Mindanao, iyan ay pinakamahalaga sa pagbaba ng matinding kahirapan sa Pilipinas. Pagtaas ng produktibidad ng sektor ng sakahan at pangisdaan ng Mindanao at pagpapabuti ng koneksyon at pag-access nito sa mga lokal at pandaigdigang pamilihan.
Pamumuhunan sa kalusugan, edukasyon, pagsasanay sa kasanayan, at proteksyong panlipunan para sa mahihirap, iyan ang dapat na ialay na serbisyo ng ating pamahalaan, kung may tulong ng isinasagawa, dapat ay tuloy-tuloy at hindi iyung paampat-ampat lamang.
At kapag ang katimugan ay nabiyayaan ng lubos na pagkalinga, pagpapahalaga at pagmamahal ng ating Pamahalaan ay wala ng rason para may magsalita na ihiwalay pa ang Mindanao. At kung sa kabilang banda, na nakamit na ng katimugan ang kaumlaran at kanilang mga naisin, at may patuloy pa ring may mag-alsa sa gawa at salita, iyan ay kapritso na lang mga taong sakim sa kapangyarihan.
Kaya sa ating pamahalaan, tutukan ninyo ang pagpapaunlad at atensyon sa buhay ng ating mga kababayan na nasa katimugan ng bansa. Hanggang sa muli. (UnliNews Online)