LUNGSOD NG MALOLOS — Sugatan ang driver at ang helper nito nang sumalpok ang minamanehong truck sa boundary arch ng nabanggit na lungsod at bayan ng Guiguinto, Huwebes ng umaga (Feb. 22).
Base sa ulat ni Col. Relly Arnedo, Bulacan Police director, kinilala ang driver ng trak na si Ronald Atayde at ang kanyang pahinante na si Roy Atayde na kapwa residente ng Barangay San Leonardo, Nueva Ecija.
Sa inisyal na imbestigasyon sakay ng isang Foton truck na may plate number na CAK1696 ang driver at ang pahinante habang bumabagtas sa south bound lane ng McArthur Highway bandang 4:56 am nang makatulog ang driver, mawalan ng kontrol sa manibela at bumangga sa poste ng naturang arko.
Sugatan ang driver ng trak at ang kanyang pahinante sa aksidente at isinugod ng Malolos Rescue sa Bulacan Medical Center na kalaunan ay inilipat ang sa Paulino J. Garcia Hospital sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Malolos PNP. (UnliNews Online)