LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Wala nang aalalahanin sa pagpapagamot at pagbili ng ilang gamot ang mga taga-Gitnang Luzon, ngayong 98% ng populasyon nito ay nakarehistro na sa Universal Health Care ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
Nangangahulugan ito na sa 12.89 na populasyon ng rehiyon, 12.62 milyon na rito ang naipasok na sa Universal Health Care coverage ng PhilHealth.
Iyan ang iniulat ni Arlan Granali, acting branch manager ng PhilHealth Regional Office III- Branch B sa pagdiriwang ng Ika-29 Taong Anibersaryo ng PhilHealth ng pagiging isang government owned and controlled corporation o GOCC noong 1995.
Dahil dito, napapakinabangan at patuloy aniyang mapapakinabangan ang Pinalawak at mga Bagong Benepisyo para sa Mamamayang Filipino, sa ilalim ng isang ‘Bagong Pilipinas’ na isinusulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Kabilang dito ang pagpapalawig at pagiging permanente ng mga benepisyo para sa 156 hemodialysis sa mga pasyenteng may chronic kidney disease.
Patataasin din ang coverage sa ischemic na aabot sa P76 libo at hemorrhagic stroke na P80 libo. Gayundin sa mga may high-risk pneumonia na aangat sa P90,100 mula sa dating P32 libo.
Dadagdagan din ng PhilHealth ang coverage para sa mga magpapaopepra ng katarata mula sa dating 50 hanggang sa 200 operasyon kada buwan.
Dalawang outpatient benefits package for Mental Health naman ang binuksan ng PhilHealth. Ito ang General Mental Health Package na aabot sa P9 libo bawat taon. Nakapaloob dito ang screening, assessment, diagnostics, follow-up visits, psychosocial support at mga gamot na kasama sa Medicine Access Program ng Department of Health (DOH) para sa mental health.
Sa Specialty Mental Health Service Package, aabot sa P16 libo ang package rate kung saan kasama ang assessment, specialist diagnostics, follow-up visits, mga gamot at psychotherapy.
Iniulat din ni Granali na upang matiyak na epektibo ang pagpapatupad ng nasabing mga bagong benepisyo, sinuportahan ng PhilHealth ang pagpapalakas ng kakayahan ng mga pasilidad sa gitnang Luzon.
Patunay dito ang pormal na pagrerehistro sa Mariveles Mental Wellness and General Hospital sa Mariveles, Bataan bilang kauna-unahang institusyon sa rehiyon na maipapaloob sa Outpatient Mental Health Benefits Package Provider ng PhilHealth.
Nagkaloob din ng health capitation fund ang PhilHealth sa Bataan Primary Care Provider Network o PCPN na nagkakahalaga ng P114.6 milyon.
Sa Bulacan, tinutukan ang pagpapalakas ng kamalayan sa Konsulta Package. Bilang panimula, magkakatuwang na itinaguyod ng PhilHealth, Pamahalaang Lungsod ng San Jose Del Monte at ng SM Foundation ang pagsasagawa ng PhilHealth Konsulta Caravan.
May inisyal na 600 na tagarito ang nakatamo ng libreng Konsulta check-up, laboratory tests, maintenance medicines, health kit, dental services, financial at social services.
Pormal namang nilagdaan ang kontrata sa pagitan ng PhilHealth at Central Luzon Doctor’s Hospital sa Tarlac para sa pagsasailalim sa Z Benefit Package para sa sa mga may sakit na Colon at Rectal Cancer.
Kaugnay nito, binigyang diin ni Granali na dahil sa Pinalawak at mga Bagong Benepisyo para sa Mamamayang Filipino, umangat ng 30% ang coverage rate ng PhilHealth sa gitnang Luzon.
Iba pa rito ang halagang P17.5 bilyon na naibayad ng PhilHealth mula Enero hanggang Disyembre 2023 sa mga partner health care providers para sa iba’t ibang serbisyong medikal at gamot sa mga pasyenteng kasapi ng PhilHealth.
Samantala, ayon pa kay Granali, ang pagkakatamo ng 98% coverage ay patunay ng epektibong pagsisikap ng PhilHealth na maabot ang bawat isang Pilipino sang-ayon sa itinatadhana ng Universal Health Care Act of 2019 o ang Republic Act 11223.
Kaakibat nito ang pagrereporma sa kontribusyon mula sa 2.75% noong 2019 at makukumpleto sa pagsapit ng taong 2025 na aabot sa 5%. Iba pa rito ang pondo mula sa nakokolektang mga Sin Taxes sa alak, sigarilyo, tabako at e-cigarettes.
Ganap na naging GOCC ang PhilHealth sa bisa ng Republic Act 7875 o ang National Health Insurance Act of 1995 na nilagdaan ni noo’y Pangulong Fidel V. Ramos.
Mauugat ang pinanggalingan ng PhilHealth sa pagtatatag ng Philippine Medical Care Commission sa bisa ng Republic Act 6111 o ang Philippine Medical Care Act na nilagdaan ni noo’y Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. noong Agosto 4, 1969. (UnliNews Online)
Source: PIA Bulacan