LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Binigyan ng direktiba ni City Mayor Christian D. Natividad ang PrimeWater at Malolos Water District na resolbahin o gawan ng agarang solusyon ang lumalalang problema sa supply ng tubig sa naturang lungsod.
Ito ang naging kautusan ng alkalde sa nabanggit na water utility company na bigyan ng prayoridad ang pagsasaayos ng supply ng tubig sa ginanap na Water Summit 2024 noong Friday sa Auditorium, 4th Floor, City Hall, Brgy. Bulihan, City of Malolos
Inatasan din ni Natividad ang tanggapan ng Business Permit and Licensing Division at City Administrator’s Office na magsagawa ng inspeksyon sa mga proyekto, serbisyo, at dokumento ng PrimeWater at Malolos Water District upang mabawasan at maisaayos ang mga problemang idinudulog ng mga Malolenyo sa Pamahalaang Lungsod ng Malolos.
Binigyang diin din ng punong lungsod na mapagbigyan ang kahilingan ng Sangguniang Panlungsod ng Malolos na makapagpasa ng Katitikan ng Pagpupulong ang PrimeWater at Malolos Water District sa isinasagawang pulong ukol sa “Business Plan at Performance Fund” upang malaman kung mayroong negligence sa duties and responsibilities ng dalawang tanggapan.
Hayagan ding inanunsyo ni Natividad na mag-uumpisa nang magbayad ang Prime Water ng “Environmental Fee” gayundin ang pag-atas sa tanggapan ng City Administrator’s Office, City Agriculture Office at City Health Office sa pagbuo ng Task Force para sa overseeing ng water distribution sa nasambit na lungsod.
Ayon naman sa Malolos Water District, walang instance na nagkaroon ng pagkukulang ang PrimeWater sa paghahatid at pagdadala ng mga proyekto at programa sa lungsod ng Malolos sa loob ng 5 taong joint venture.
Ibinahagi rin ni Engr. Benedict Joseph J. Santiago, manager ng PrimeWater Infrastructure Corporation ang mga proyektong isinagawa ng tanggapan sa loob ng 5 taon gaya ng mga distribution Linge from Guinhawa – Lugam pipelaying, pipelaying Catmon to Sto. Niño, pipelaying project Tikay to Guinhawa, distribution Line from Look 2nd to Taal Pipelaying, pipelaying Taal – Mambog, pipelaying Fausta Road Mabolo, pipelaying Project Bagong Bayan to Balite at iba pa.
Sa pahayag naman ni Konsehal Dennis “Konde” San Diego, ninanais ng Sangguniang Panlungsod na maging transparent ang PrimeWater ukol sa mga isinasagawang proyekto gayundin ang pagkakaroon ng paraan na tumanggap ng kritisismo pagkatapos ng bawat proyekto dahil hindi sapat na maayos lang sa papel ang paraan ng pagbibigay serbisyo bagkus dapat pakinggan ang boses ng bawat Malolenyo sa serbisyong hatid ng tanggapan.
Minarapat naman ng ilang kasapi ng SP na ipaalam at ayusin ang serbisyong hatid ng Prime Water na nakapaloob sa nasabing joint venture na portable dapat ang tubig sa lungsod na malinis at ligtas sa anumang uri ng bacteria.
Dumalo at nakiisa sa naturang summit sina Vice Miguel Alberto T. Bautista, City Administrator Joel S. Eugenio, Assistant City Administrator Gertrudes N. De Castro, mga Kapitan sa Lungsod ng Malolos, mga department at division head ng Pamahalaang Lungsod at mga representative mula sa Malolos Water District. (UnliNews Online)