NAGTAPOS ang mga opisyales ng 22 barangay sa bayan ng Pandi sa tatlong araw na orientation and training workshop ng Barangay Newly Elected Officials for Grassroots Renewal and Empowerment for Accountable and Transparent (BNEO GREAT) Basic Orientation Course na ginanap sa Royce Hotel & Casino sa Clark Freeport Zone, Angeles City mula Marso 11 hanggang 13, 2024.
Suportado ni Mayor Rico Roque at Vice Mayor Lui Sebastian kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan ang mga opisyales ng mga barangay sa Pandi sa naging pagdalo at pakikiisa sa basic orientation ng BNEO GREAT Program.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Roque ang mga hamon ng pamumuno sa panahon ngayon.
“Sa pamamagitan ng ganitong orientasyon, mas magiging epektibo ang pamamahala sa barangay, na naglalayong mapabuti ang serbisyo sa komunidad at masusing pagpapatupad ng mga proyektong makakatulong sa kaunlaran ng ating mga barangay,” sabi ni Roque.
Dagdag pa ng alkalde, ang main objective ay tumulong sa bayan, tumulong sa mamamayan. Samahan ninyo ako, magsama-sama tayo para sa kaunlaran ng bayan ng Pandi.
Ang BNEO GREAT Program ay isang term-based capacity development initiative ng Local Government Academy na idinisenyo upang bigyan ng kapangyarihan ang mga opisyal ng barangay na magampanan ng epektibo ang kanilang mga tungkulin.
Ang kurso ay sumasaklaw sa mga paksa tulad ng Basics of Republic Act 7160 o kilala bilang Local Government Code of 1991 para sa mga Barangay, ang Barangay Development Plan at Capacity Development Agenda, at Participation in Governance through Barangay-Based Institutions and Volunteerism.
Gayundin, ang mga programa, proyekto, at aktibidad ng Department of the Interior at Local Government para sa mga barangay; Pampublikong Etika at Pananagutan; at ang Barangay Agenda para sa Pamamahala at Pag-unlad.
“Isa itong mahalagang hakbang para mas maintindihan ng Sangguniang Barangay at Sangguniang Kabataan ang kanilang mga obligasyon sa kanilang nasasakupan. Isa din itong hakbang at mabisang gabay sa ating paglalakbay tungo sa mas maunlad at mas nagkakaisang Pandi,” saad pa ni Roque.
Dagdag pa ng alkalde, “kailangan lang natin ay bukas na kaisipan at puso para sa mga bagay na matutunan natin mula dito. Tiwala po akong magtatagumpay tayo sa pagbibigay ng mas maganda at mas maayos na serbisyong pampubliko.”
Nagpapasalamat naman ang pamahalaang bayan ng Pandi kina PD Myrvi Apostol-Fabia, Lydia Baltazar-LGOO VII-Cluster Team Leader, at Benedict M. Pangan-LGOO VI-City Local Government Operations Officer (CLGOO). (UnliNews Online)