Saturday, December 14, 2024
Amana Water Park
HomeBulacan UnliNewsBulacan, kagyat na tumugon sa pagkalat ng Pertussis, mabilis na umaksyon

Bulacan, kagyat na tumugon sa pagkalat ng Pertussis, mabilis na umaksyon

LUNGSOD NG MALOLOS — Bilang tugon sa paglitaw ng nakababahalang sakit na nakaaapekto sa mga sanggol at bata sa kalapit na lugar ng lalawigan, agad na tumugon ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gobernador Daniel R. Fernando makaraang makumpirma ang dalawang kaso ng Pertussis na kilala rin bilang ‘whooping cough’ sa Bulacan – isa sa Lungsod ng San Jose Del Monte at isa naman sa Lungsod ng Meycauayan.

Ang Pertussis ay isang nakahahawang respiratory tract infection na madaling kumalat sa pamamagitan ng bacteria mula sa paghinga, pag-ubo, at pagbahing. Kadalasan, ang sintomas ay nagsisimula sa sipon, ubo, at lagnat ngunit ang ubo ay maaaring lumala sa loob ng 1-2 linggo at partikular na mapanganib para sa mga sanggol at bata lalo na sa mga bagong silang na hindi pa rin kwalipikado para sa mga bakuna kung saan maaaring makaranas ng apnea, hirap sa paghinga, at pagsusuka kapag nahawahan.

Nang makumpirma ang mga kaso, agad na inatasan ni Fernando ang Provincial Health Office – Public Health na aktibong maghanap ng mga kaso at tukuyin ang mga batang hindi pa kumpleto ang bakuna o iyong mga hindi pa nababakunahan; magsagawa ng active case finding, specimen collection, at patuloy na pagbabakuna sa hangganan ng Lungsod ng Meycauayan at Lungsod ng San Jose Del Monte at mga kalapit na lugar tulad ng Quezon City.

Sa ngayon, prayoridad ang pagbabakuna laban sa Pertussis lalo na sa mga lugar na may kumpirmadong kaso, na may suporta mula sa Department of Health at mga City/Municipal Health Offices.

“Mayroon na pong bakuna laban sa Pertussis at ito po ay binibigay nang tatlong (3) dosis para sa mga batang nasa 1 ½ month, 2 ½ month, 3 ½ month old. Ang bakunang ito ay pandaigdigan nang ginagamit, subok na ligtas at epektibo. Ito po ay libre kung kaya’t agad na pong pumunta sa pinakamalapit na health center para pabakunahan ang inyong mga anak,” anang gobernador.

Upang higit na maiwasan ang pagkalat ng sakit, iminumungkahi ni Fernando ang pagpapasuso sa mga bagong silang, panatilihin ang mga ito sa loob ng bahay at iwasang dalhin sa mga lugar na hindi maayos ang bentilasyon upang mapalakas pa ang kanilang resistensiya at maiwasan ang pagkakahawa sa iba pang mga sakit.

Inirekomenda rin niyang iwasang mapalapit sa mga sanggol o bata kung may nararamdamang sakit at nakararanas ng mga sintomas gaya ng ubo at lagnat, regular na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig kapag nasa bahay, at pagtatakip ng ilong at bibig gamit ang tisyu o tela kapag umuubo o bumabahing.

Hinihimok din niya ang mga Bulakenyo na manatiling mapagbantay at agad na humingi ng medikal na atensiyon kung nakararanas ng mga sintomas ng Pertussis at sumunod sa mga preventive measures na inirerekomenda ng mga awtoridad sa kalusugan. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments