SA susunod na taon ay idadaos na muli ang halalan sa buong bansang Pilipinas, ito ay ang midterm elections na kung saan ay maghahalal tayong muli ng mga senador, kongresista, gobernador, bise gobernador at mga board member, mayor at Vice mayor’s at mga konsehal at isasabay na rin ang SK at barangay elections.
Hindi pa tayo maghahalal ng pangulo at pangalawang pangulo ng bansa dahil sa national elections iyon isinasagawa. Kaya sa midterm elections nakapokus ang mga local candidates lalo na ang mga incumbent officials dahil muli silang naghahain ng kandidatura sa 2025 midterm elections.
Tulad na lamang dito sa lalawigan ng Bulacan, mayroon kayang makakalaban si Governor Daniel R. Fernando, para sa pagka gobernador.
May narinig ako sa ilang kasapi ng Bulacan Press Club Inc., na posible daw na may makalaban so Gov. Fernando sa 2025 midterm elections. May binanggit silang political figure for governor, pero hindi ko matandaan ang pangalan ng pulitiko na posible umanong makatunggali ni Gov. Fernando.
Ito rin kayang si Vice Governor Alex Castro, ay mayroong gigiring kandidatong bise gobernador sa kanya? Alam ninyo mas masaya ang halalan kapag mayroong makakalaban. Kapag wala kasing kalaban ang sinomang kandidato sa iba’t ibang posisyon sa public office ay hindi masaya — walang masyadong ingay sa panahon ng kampanyahan.
Pero maraming Bulakenyo ang nagsasabi na mahirap pa raw buwagin ang tambalang Fernando at Castro, dahil mabango pa sila sa tao, iyan naman ang totoo. Pero may nagsasabi rin naman na gusto naman daw ng iba ng bago. Abangan natin ang mga susunod na kabanata dahil iyang halalan ang pinakaaabangang event ng mga Bulakenyo.
Pero maiba tayo ng paksa, may posibilidad umano na maisabay na rin ang national plebiscite para sa pagsusog sa 1986 Constitution. Ayon sa report wala naman daw karagdagang gastos kung isabay man ang plebisito sa 2025 midterm elections ayon Kay Comelec Chairperson George Garcia.
Posible rin na napaghandaan na rin ng poll body ang nasabing event matuloy man o hindi ang nakaambang plebisito. Idudugtong lang naman sa balota ang mga katanungang sasang-ayunan o hindi ng mga botante ayon sa mga probisyong papalitan o aamyendahan sa Saligang Batas ng Pilipinas.
Ito naman ay hindi pa pinal pero wika nga, iba ang laging handa kaysa naman kung kaylan napagtibay ang hakbang na plebiscite ay saka naman magkukumahog ang Comelec. Kaya abangan natin ang mga paparating na kaganapan