PAOMBONG, Bulacan — Sa harap ng libu-libong deboto at mga dayuhang turista, anim na faith healers kabilang ang tatlong babae ang ipinako sa Krus sa tabi ng simbahan ni Sto. Kristo, ang century-old chapel sa Barangay Kapitangan sa bayan ng Paombong nu’ng Biyernes Santo.
Umaga pa lang ay libu-libo nang deboto ang hindi inalintana ang tumatagiktik na sikat ng araw, masaksihan lang ang madugong ritwal ng Kuwaresma kung saan magpapapako ang anim na faith healer sa man-made Golgotha sa tabi ng isang katolikong simbahan.
Idinaos ang mga nabanggit na pagpapako sa krus sa kabila ng mga babala ng Department of Health (DOH) at ng Simbahang Katoliko laban sa madugong re-enactment.
Naganap ang unang pagpapapako sa krus bandang alas-9:30 ng umaga kung saan isang lalake ang ipinako sa krus ng mga gumanap na Roman Centurion at nanatiling nakapako sa loob ng 25 minuto.
Siya ay sinundan bandang alas-10 ng umaga ng isang batang faith healer mula sa Kabankalan City, Negros Occidental na kinaladkad at hinagupit ng mga Roman Centurion habang bitbit ang isang kahoy na krus patungo sa man-made Golgotha kung saan nasaksihan ng libu-libong mga manonood ang mga pako na itinutusok sa kanyang mga palad at paa.
Sumunod na ipinako ay ang kanyang kambal na kapatid na tumupad din sa kanilang panata sa Semana Santa noong 10:30 ng umaga. Nanatili siyang nakapako sa isang kahoy na krus sa loob ng 25 minuto habang kinakanta ng karamihan ang Ama Namin.
Bandang alas-11 ng umaga nang ipinako sa krus ang unang babae at asawa ng isa sa mga kambal ngunit nanatili lamang itong nakapako sa krus ng halos 5 minuto.
Nang kapanayamin ang unang babaeng nagpapako sa krus, kung bakit sila gumawa ng mga ganitong uri ng sakripisyo, sinabi nitong mayroon silang misyon na dapat gampanan.
Dalawang babae pa na pawang hindi mga taga-Bulacan ang sumunod na ipinako sa krus.
Maraming faith healers at mga mananampalataya ang dumating ng madaling araw ng Biyernes Santo sa farming village para kunin ang mahimalang mabangong langis ng Mahal na Poong Sto. Cristo.
Nais ng mga mananampalataya na maging bahagi ng lumang tradisyon ng Kuwaresma ng pinarangalan na krusipiho, ang patron ng nayon, na naliligo sa langis at pabango.
Ang imahe ng Nakapakong Kristo ay ibinaba mula sa pangunahing altar ng kapilya bago binuhusan at paliguan ng langis at pabango na kinokolekta at ipinamahagi sa mga mananampalataya na pumila upang makuha ang mahimalang mabangong langis na pinaniniwalaang may kapangyarihang magpagaling.
Samantala, noong Huwebes Santo, Marso 28, ang mga walang saplot na flagellant ay naglakad na walang sapin patungo sa Catholic chapel upang tuparin ang kanilang mga panata o habang sila ay hinahagupit sa kanilang likuran.
Sa kabila ng malakas na buhos ng ulan, hindi tumigil ang mga namamata sa kanilang penitensiya. (UnliNews Online)