LUNGSOD NG BALIWAG — Sumentro ang pag-alaala sa Ika-161 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ni Mariano Ponce sa pagbibigay diin na dapat matutunan ang kanyang pagkabayani para sa pagkakaisa ng mga namumuno sa bayan.
Iyan ang tinuran ng panauhing pandangal na tubong Baliwag na si Judge Maria Bernardita Santos ng Branch 35 ng Regional Trial Court ng Maynila, nang pangunahan niya ang pagdadaos ng programang pang-alaala.
Akmang-akma aniya sa diwa ng pagkakaisa sa mga nagging pagkilos ni Ponce noong panahon na siya’y nasa Japan mula sa huling bahagi ng Ika-19 siglo hanggang sa unang mga taon ng Ika-20 siglo.
Pangunahing layunin ng biyaheng ito na makapag-angkat ng mga armas pandigma sa Japan, upang madagdagan ang magagamit sa kasagsagan ng rebolusyon sa Pilipinas laban sa mga Kastila.
Ayon kay National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Deputy Executive Director Alvin Alcid, ipinadala sa Japan si Ponce ng administrasyon ni Pangulong Emilio Aguinaldo upang maging sugo ng bansa o posisyong embahador sa kasalukuyan.
Nagsilbi noon na sangtuwaryo ng mga rebolusyonaryo at lider-Asyano ang Japan upang isulong ang kanilang adhikain na lumaya ang kani-kanilang mga bansa laban sa kolonyalismo.
Naging pagkakataon ito upang makahalubilo at makaisa ni Ponce ang kapwa mga rebolusyonaryo at lider na Asyano gaya ni Sun Yat-Sen, ang pangulo ng noo’y nag-iisang Republic of China, na naging personal niyang kaibigan.
Base sa mga batayang pangkasaysayan ng NHCP, kabilang sa mga lahi na nakasama rin ni Ponce sa Japan ay mga Indian at Malayan na pawang nakapailalim noon sa United Kingdom; mga taga-Indochina mula sa ngayo’y Cambodia, Laos at Vietnam na sakop pa ng France; at mga taga Indonesia na noo’y hawak ng The Netherlands.
Sa dalas na makausap at makasama ang mga kapwa Asyanong rebolusyonaryo, malinaw na napagtanto ni Ponce ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga mamamayan sa isang bansa upang matamo ang kalayaan.
Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat si Baliwag City Administrator Enrique Tagle sa Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas sa paglalabas ng Proclamation 491.
Idineklara nito ang ika-22 ng Marso 2024 bilang special non-working day sa lungsod kaungnay ng kaarawan ni Ponce. (UnliNews Online)
Source: PIA Bulacan