Thursday, July 4, 2024
Amana Water Park
HomeOpinionHalf day classes idineklara sa Plaridel

Half day classes idineklara sa Plaridel

DAHIL sa labis na init na ating naranasan dulot ng nagpapatuloy na pagtaas ng temperatura, nagdeklara ng half day classes ang Pamahalaang Bayan ng Plaridel sa mga pampublikong paaralan mula municipal day care centers, senior high school hanggang kinder upang mapangalagaan ang kapakanang pangkalusugan ng mga batang mag-aaral mula April 8 – 15, 2024.

Ang hakbang na ito ay mula sa direktiba ni Plaridel Mayor Jocell Aimee R. Vistan-Casaje, makaraang magpatawag ng emergency meeting kamakailan ang alkalde sa mga opisyal ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) kung saan ay pangunahing tinalakay sa pulong ang matinding init na ating naranasan ngayong panahon ng tag-init.

Napag-alaman din sa tanggapan ni Mayor Vistan na ikinunsidera ang rekomendasyon ng MDRRMC maging ang ulat ng Plaridel Municipal Health Office na gawing kalahating araw na lang muna ang klase sa publikong paaralan dahil na rin sa mataas na heat index lalo na sa bandang hapon.

Kaya naman agad na nagpatibay ng direktiba si Mayor Vistan ang deklarasyon ng half day classes. Maging sa mga pribadong paaralan ay inirekomenda rin ang nasabing kautusan upang mapangalagaan ang kaligtasan at kalusugan ng kanilang mga mag-aaral sa katulad na mga antas.


Ulat sa Kapitolyo ng Bulacan

Samantala, nauna nang nagdeklara ng online classes sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, mula sa direktiba ni Governor Daniel R. Fernando, mula April 4-6, 2024 base na rin sa rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) dahil na rin sa nagpapatuloy na pagtaas ng temperatura ng panahon.

Kung patuloy umanong makakaranas ang mga Bulakenyo ng matinding init dulot ng tag-init ay posibleng ipatupad ang learning modality upang kahit nasa kani-kanilang mga bahay ay makapagpatuloy ng pag-aaral ang mga estudyante.

Iyan kasing heat stroke ay puwedeng naranasan hindi lamang ng mga matatanda kungdi maging ng mga batang mag-aaral kaya mabuti na rin ang ginawang hakbang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, ang pagdedeklara ng ilang araw na walang pasok sa mga munisipalidad at mga siyudad sa lalawigan

Ayon Kay Gov. Daniel R. Fernando, matapos ang ilang araw na suspension ng klase ay imomonitor pa rin ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang sitwasyon ng panahon kung marapat na ipagpatuloy ang class suspension habang nakakaranas tayo ng mataas na antas ng temperatura.

Ayon naman sa Internet nitong mga nakaraang araw ay pumalo lamang sa 33 hanggang 34 degrees Celsius ang heat index kaya hindi pa sukdulang init ang ating nararanasan. Pinangangambahan na baka umabot sa 39 hanggang 41 degrees Celsius ang heat index na labis na nakaaalarma.

Kaya gawin natin ang lahat ng pag-iingat ngayong panahon ng tag-init. Pakaingatan na ma-dehydrate dahil posibleng humantong sa heat stroke ang kawalan ng tubig sa katawan. Kaya ipinapayo ng health authorities na uminom ng maraming tubig at kung lalabas ng bahay ay magbaon ng tubig.

Ayon sa mga eksperto, magkaiba ang heat stroke at ang heat exhaustion. Ang heat stroke ay puwedeng humantong sa kamatayan kung hindi agad mabibigyan ng first aid ang pasyente samantalang ang heat exhaustion ay ang labis na pagkababad sa mainit na klima kaya nakakaramdam ng sakit ng ulo, pagsusuka, pagkahilo, matinding pagpapawis, mabilis na paghinga at pulso, pagkauhaw at mataas na body temperature na mababa sa 40º Celsius

Pero kapag umabot naman umano sa 40º Celsius ang init ng katawan ng pasyente at hindi na pinagpapawisan, ay senyales na umano ito ng mas malubhang sitwasyon ng heat stroke kaya kailangang mabigyan ng agarang atensiyon ang tao na hinihinalang inaatake ng heat stroke. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments